TALAGANG hindi na mapipigilan ang pagsulong ng Mindanao matapos mailuklok si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Malacañang.

Halos mag-iisang taon pa lamang sa puwesto si Pangulong DU30, ramdam na ng mga taga-Mindanao ang pag-unlad ng kanilang rehiyon dahil sa pagbuhos ng mga kalakal sa iba’t ibang lugar sa rehiyon, kabilang dito ang Makilala, Cotabato.

Isang maliit at tahimik na bayan na may 90,000 residente, ang Makilala ay bahagi ng Region 12 o SOCCSKSARGEN na ngayo’y patuloy ang pag-unlad.

At dahil ito ay tinatawag na transit point upang makarating sa iba’t ibang lugar sa rehiyon, dito dumaraan ang malalaking truck na puno ng kalakal.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Nitong mga nakaraang buwan, batid ng lokal na pamahalaan ang pagdami ng mga aksidente sa lansangan, lalo na sa National Highway ng Makilala.

Ayon kay Mayor Rudy Caoagdan, simula Enero hanggang Marso 2017, umabot na sa 83 ang road accident sa kanilang siyudad, at 11 sa mga ito ay patay habang 71 ang sugatan.

Marso naitala ang pinakamataas na bilang ng aksidente na umabot sa 20 at may naitalang limang patay at 23 sugatan; habang ang Abril ay may 30 aksidente, na anim ang nasawi at 28 ang sugatan.

At dahil nakakaalarma na ang sitwasyon, nagpasya si Mayor Rudy na magtatag ng Roadside Safety Assistance Center (RSAC) na nakapuwesto sa tapat ng Kisante Elementary School sa National Highway ng Makilala.

Ang grupong ito ay kinabibilangan ng mga kinatawan ng Makilala Responders Team, Kidapawan National Red Cross at Kisante Barangay Council kasama ang Barangay Peacekeeping Action Team. Naatasan ang grupo na tutukan ang mga dumaraang sasakyan sa boundary ng Davao-Cotabato kung saan madalas ang aksidente.

Sa kanilang itinatag na checkpoint, pinakikiusapan ng RSAC ang mga driver ng bus, truck at iba pang sasakyan na daraan sa kanilang lugar simula 12:00 ng hatinggabi hanggang 5:00 ng umaga na tumigil at mamahinga muna sa kanilang pasilidad, kahit limang minuto lamang.

Dito, bibiyan sila ng libreng kape, at eengganyuhin na magsagawa ng stretching exercise habang iniinspeksiyon ng mga mekaniko ng center ang kanilang sasakyan tulad ng gulong, baterya, ilaw at gasolina upang matiyak na ligtas itong bumiyahe.

Paaalahanan din ng grupo ang mga driver na tumugon sa 30-kilometer per hour speed limit na ipinatutupad mula sa Barangay Kisante hanggang Barangay Saguing sa Makilala.

Umapela naman si Mayor Caoagdan sa mga motorista na dumaraan sa Makilala National Highway na makipagtulungan sa kanyang mga tauhan upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa biyahe. (ARIS R. ILAGAN)