Gaano man kahirap, nagawang makalikom ni Vice President Ma. Leonor "Leni" Robredo ng P8 milyon cash deposit para sa kanyang counter protest laban kay dating Senador Ferdinand Marcos Jr.
Kasama ang kanyang abogado na si Romulo Macalintal, nagtungo si Robredo kahapon sa Korte Suprema, ang nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET), upang magbayad ng nabanggit na halaga bilang unang installment para sa electoral protest.
Nagawa niyang mahabol ang limang araw na deadline na ipinataw ng Korte Suprema makaraang tanggihan ng huli ang kanyang kahilingan na ipagpaliban ang pagbabayad.
“Hindi naging madali sa atin na maglikom ng P8 million na deposit,” sabi ni Leni nang magsalita sa harap ng kanyang mga tagasuporta sa labas ng Korte Suprema pagkatapos magbayad ng protest fee.
“Alam po ninyo na ang laban na ito hindi lang po ito tungkol sa akin. Ang laban pong ito tungkol sa ating lahat.
Tungkol po sa ating mga Pilipino na nagnanais na hintuin na ang dating kalakaran sa ating pamahalaan,” dagdag niya.
Sinabi ng kanyang legal adviser na si Barry Gutierrez sa isang pahayag na ang bahagi ng cash deposit ni Robredo ay nanggaling sa kanyang personal funds at loans mula sa mga kamag-anak ng kanyang yumaong asawa na si Interior Secretary Jesse Robredo.
Tinukoy ni Gutierrez sina Vicente Hao Chin, Pablito Chua, at Rafael Bundoc na ilan sa mga nagpahiram ng pera sa Bise Presidente.
“Hindi gaya ng aming kalaban, wala pong ganoong kalaking pera si VP Leni ngunit handa siyang magkabaun-baon sa utang, mapigil lang ang tangkang nakawin ang puwesto na ipinagkatiwala sa kanya ng taumbayan," sabi ni Gutierrez.
Una nang nagbayad si Marcos ng P36.02 milyon para sa first instalment nitong Abril 17 para sa sariling election protest.
Nasa P30 milyon ang kailangang bayaran ni Marcos sa Hulyo 14, habang P7,439,000 naman ang babayaran ni Robredo.
(Raymund Antonio at Beth Camia)