Binaril hanggang sa mamatay ang magkasintahan sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Kapwa duguan sa tama ng bala sina Mark Erickson Valdez, 20, at Maria Cris Patriarca, 24, nang madiskubre sa loob ng kanilang sasakyan na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa Virgo Street, Remar Ville Subdivision, Barangay Bagbag, Novaliches, bandang 6:30 ng gabi kamakalawa.

Kararating lamang ng magkasintahan mula sa computer repair shop nang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan, sinabi ng awtoridad.

Ayon sa ama ni Valdez, si Emerson, nakarinig siya nang sunud-sunod na putok ng baril sa labas ng kanilang bahay, at nang kanyang silipin ay nadiskubre niyang patay na ang mga biktima sa loob ng sasakyan.

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

Kapwa nagtamo ng bala sa ulo sina Valdez at Patriarca, ayon sa pulis. Inaalam na rin kung may mga residente sa lugar na nakakita sa pamamaril.

Samantala, nakuha sa pinangyarihan ang mga bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril. Isinantabi na ng awtoridad na robbery ang motibo sa pagpatay dahil hindi tinangay ang laptop at personal na gamit ng mga biktima.

(Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)