ILOILO CITY – Dapat nang alisin ang mga alkalde sa Iloilo na pinangalanan ni Pangulong Duterte sa kanyang narco-list bilang mga protektor umano ng ilegal na droga.
Ito ang naging apela ng League of the Municipalities of the Philippines (LMP)-Iloilo Chapter sa resolusyon nito na may petsang Abril 28, 2017.
“Until now, there is no evidence against them,” sabi ni Ajuy Mayor Jett Rojas, presidente ng LMP-Iloilo Chapter.
Agosto 2016 nang tagurian ni Pangulong Duterte ang Iloilo na “shabulized” makaraang pangalanan ang apat na alkalde ng Iloilo sa hawak nitong narco-list ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa droga.
Sa apat na alkalde, tatlo ang kumakatawan sa mga munisipalidad sa Iloilo: sina Siegfredo Betita ng Carles, Mar Malones, Sr. ng Maasin, at Alex Centena ng Calinog.
Nilinaw ni Rojas na tanging sina Betita at Malones ang saklaw ng resolusyon. Wala si Centena ngunit maaari siyang mapabilang sa pinal na resolusyon na isusumite sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Samantala, una nang inihayag ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na nais niyang personal na makaharap si Pangulong Duterte upang linisin ang kanyang pangalan.
Ilang beses na binanggit ni Duterte sa kanyang mga talumpati na si Mabilog ay kaanak ng napatay na drug lord na si Melvin “Boyet” Odicta, Sr., na wala umanong katotohanan. (Tara Yap)