Habang isinasara ang pahinang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang swimming instructor nang barilin ng isa sa dalawang holdaper sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang nakaratay sa ospital si Rommel Solita, 46, ng Leonio Street, Barangay Taniong ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng bala ng cal. 38 sa katawan.
Sa ulat ni SPO1 Alexander Dela Cruz, bandang 2:30 ng hapon, nakatayo si Solita sa harap ng isang vulcanizing shop sa C-4 road, Pampano St., habang pinapahanginan ang malambot na gulong ng kanyang motorsiklo.
Nilapitan si Solita ng dalawang suspek at isa sa kanila ang nanutok ng baril at nagdeklara ng holdap sabay kuha sa belt bag ng biktima na naglalaman ng cell phone at pera.
Nang makakuha ng pagkakataon, sinunggaban ni Solita ang mga holdaper at tinangkang agawin ang baril, ngunit siya’y nabigo at binaril.
Tumakbo ang mga suspek na tangay-tangay ang belt bag ang biktima, habang pinilit ni Solita na makauwi at nagpasugod sa ospital. (Orly L. Barcala
)