Pansamantalang sinibak sa puwesto ang station commander ng Manila Police District (MPD) Station 1, gayundin ang 12 iba pa, makaraang madiskubre ang umano’y secret lock-up cell sa loob ng kanilang presinto sa Raxabago Street, Tondo, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay MPD Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, ang relief order laban kay Police Supt. Robert Domingo, MPD-Station 1 commander (Raxabago station), at sa 12 miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU), ay upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa kaso.
Papalitan si Domingo ni Police Supt. Albert Barot bilang officer-in-charge.
Nag-ugat ang pagsibak matapos magsagawa ng surprise inspection ang mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR) nang makatanggap ng tip hinggil sa umano’y secret jail kung saan ikinukulong ang mga taong “kinikikilan” ng mga pulis kapalit ng kanilang kalayaan.
Nadiskubre ng mga operatiba, sa pangunguna ni CHR-Metro Manila director Gilbert Boisner, ang nasabing secret jail na kinapapalooban ng 12 bilanggo sa likod ng isang book shelf sa loob mismo ng DEU office.
Ayon kay Boisner, walang record ng pag-aresto at inquest sa mga nadiskubreng bilanggo, at hindi rin maayos at hindi well-ventilated ang kulungan.
Napag-alaman na sinaktan din ng mga pulis ang mga bilanggo.
Mariin naman itong pinabulaanan ni Domingo at sinabing inaresto ang mga suspek sa One Time, Big Time operation bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad ng 30th ASEAN Summit sa bansa.
Pansamantalang inilipat ang mga bilanggo sa main office ng DEU at inihahanda ang isasampang kaso bago tuluyang ikulong.
NCRPO AT PNP, MAG-IIMBESTIGA
Nakatakdang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Internal Affairs Office ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng isyu.
Dakong 9:00 ng umaga kahapon ay nagsagawa ng ocular inspection si Coronel, kasama si NCRPO chief Director General Oscal Albayalde, sa presinto.
CHR MAGSASAMPA NG KASO
Samantala, nakatakdang magsampa ng kaso ang CHR laban sa mga opisyal at tauhan ng MPD-Station 1.
Ayon kay CHR spokesperson Jackie de Guia, nararapat lamang na managot ang buong puwersa ng MPD-Station 1 sa hindi makataong pagpipiit sa 12 indibiduwal.
MGA SENADOR NABABAHALA
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang mga Senador sa pagkakadiskubre sa secret jail.
Nagkaisa sina Senador Bam Aquino, Senador Panfilo Lacson at Senador Francis Pangilinan sa panawagan na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Ayon kay Lacson, malaking hamon ito sa PNP dahil halos wala umano itong pinagkaiba sa mga kidnap-for-ransom group na matagal na niyang nilalabanan. (MARY ANN SANTIAGO, FER TABOY, ROMMEL TABBAD at LEONEL ABASOLA)