WALANG dudang FPJ’s Ang Probinsyano ang pinakasikat na programa sa primetime at pinapanood talaga ng sambayanang Pilipino ayon na rin sa consistent na ratings na hindi natatalo ng katapat na programa.
Ang Probinsyano rin ang pinarangalan sa 48th Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation bilang Most Popular TV Program Primetime Drama.
Kasama sa mga kinonsidera ang natatanggap na awards ng akisyon serye ni Coco Martin sa desisyon ng ABS-CBN management na i-extend ito hanggang 2018.
Hindi na kami magbabanggit, pero maging ang mga kakilala namin sa ibang TV network ay umaamin na pinapanood din nila ang serye ni Coco dahil realidad ang kuwento at naghahatid ng inspirasyon sa mga manonood, lalo na sa mga alagad ng batas.
“Dapat kasi ganito ang mga pinapalabas ngayon ‘yung makatotohanan, “ kaswal na sabi sa amin. “Hindi mo kailangang lagyan ng magic o mga lumilipad-lipad para panoorin ng bata, sa pelikula na lang ‘yun. Itong Probinsyano, catered niya lahat ng manonood, bata, matanda, lolo, lola pasok lahat, eh. Mahusay talaga ang creative ng programa nina Coco.”
Sabi namin, ‘Isa po si Coco sa creative consultant ng show.’
Ang tanong sa amin, “Mahaba-haba pa ang itatakbo ng Probinsyano, ano pang istorya ang tatalakayin nila? Sinu-sino ba ang igi-guest nila?”
Nag-espiya kami para magkaroon ng ideya kung sinu-sino ang susunod na guests sa Ang Probinsyano. Sabi ng mole namin sa Dos, inaalok ng Dreamscape sina Robin Padilla, Judy Ann Santos, Lito Lapid, at iba pa.
Hindi pa namin alam kung pumayag na sila.