NANGUNA si Pangulong Rodrigo Duterte sa 100 pinili ng mga mambabasa ng Time Magazine bilang “the world’s most influential person.” Ikinagalak ito ng Malacañang at, ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella, hinangaan ng mga Pilipino at mga lider ng ibang bansa ang Pangulo dahil binigyang prayoridad niya sa kanyang agenda ang kapakanan ng publiko lalo na ang mga mahirap at pangkaraniwang tao. Pero, pagkalipas ng ilang araw, nagreklamo na ang Malacañang. Kasi, inilathala ang dahilan ng pangunguna niya sa mga pinili at ang dahilan ng pagpili rin kay Sen. Leila de Lima sa 100 pinakamaimpluwensiyang tao sa daigdig.
Sa panig ni Pangulong Digong, ang maramihang pagpatay sa pakikidigma niya laban sa droga ang naging agaw-pansin sa international community. Kaya, pinayuhan siya ng naging Pangulo ng Columbia na tratuhin niyang sakit ang droga, sa halip na ito ay krimen. “Ginawa ko rin,” aniya, “ang ginagawa mo ngayon, pero hindi ako nagtagumpay.” Sa isang banda, inilarawan ang Senadora bilang kalaban ng extrajudicial killing. Kahit daw nakakulong ito ay patuloy niyang ginagampanan ang papel na ito. Umalma ang Malacañang. Hindi raw binanggit na nakapiit si De Lima dahil sa droga.
Walang masama kung susundin ng Pangulo ang payo ng dating Pangulo ng Columbia na bunga ng kanyang karanasan. Sa panahon kasi nito, marami ring namatay o pinatay sa Columbia kaugnay sa droga sa kanyang hangarin ding sugpuin ito.
Pero, inamin niya na hindi siya nagtagumpay na siyang nalalasap ngayon pa lang ng kampanya ni Pangulong Digong laban sa droga. Bakit hindi mabibigo ang Pangulo, eh sa kabila ng libu-libong napatay, hindi naman maubos-ubos ang drogang kumakalat sa bansa. Bulto-bulto pa ang nasasabat ng awtoridad.
Pero, sa kabila nito, wala namang nababalitang itinumbang tao na may kaugnayan dito. Wala namang naiulat na napatay o pinatay sa mga sinalakay nang pagawaan ng shabu. Ang libu-libong... napatay ay mga dukha, ang iba ay sa loob ng kanilang barung-barong sa hatinggabi.
Sa kabilang dako, sa halip na masugpo ang krimen, lumala pa ito. Ang mga pumapatay ngayon na wala namang kinalaman sa droga ay naeengganyong gumawa nito dahil mistula kasing polisiya na ang pumatay. Walang nadarakip lalo na iyong mga pumapatay na nakasuot ng maskara o bonnet para panagutin sa batas. Kahit sino ay puwedeng maging biktima ng mga ito o ng mga gagaya ng kanilang istilo. Bakit hindi sisikat si De Lima, eh ito ang matapang niyang binabatikos. Hindi na kailangan banggitin pa sa pagsasalarawan sa kanya na siya ay nakakulong dahil sa droga. Ang pumili sa kanya ay alam ang nangyari kung bakit siya nakakulong. (Ric Valmonte)