Muling nagbabala ang Department of Health (DoH) laban sa nakamamatay na heat stroke kasunod ng ulat na ilang delegado sa ginaganap na Palarong Pambansa sa lalawigan ng Antique ang hinimatay at isinugod sa pagamutan dahil sa napakatinding init na panahon.

Ayon kay Health Assistant Secretary at Spokesman Dr. Eric Tayag, dapat na maging alerto ang lahat laban sa heat stroke na maaaring makamatay at tandaan ang acronym na ‘H.E.A.T’ upang makaiwas dito.

“Alert: #heatstroke H-ydrate E-scape too much sun exposure A-lways take cover T-reat as medical emergency,” tweet ni Tayag.

Nagbigay ang DoH ng tips upang makaiwas sa heat stroke, kabilang ang palagiang pag-inom ng maraming tubig, pag-iwas sa tsaa, kape, softdrinks at alak. Huwag lumabas ng bahay kung matindi ang sikat ng araw, o magsuot ng sumbrero at mag-payong bilang proteksiyon sa init. Gawin sa hapon ang mabibigat na gawain kung kailan hindi na masyadong mainit ang panahon.

National

VP Sara, humingi ng pasensya sa mga ‘nai-stress’ sa kaniyang sitwasyon

Bigyan ng paunang lunas ang taong tinamaan ng heat stroke. Painumin siya ng malamig na tubig, dalhin sa malamig na lugar, paypayan o iharap sa electric fan, punasan ng basang bimpo ang katawan, at kaagad isugod sa pagamutan.

Ilan sa mga sintomas ng heat stroke ay mainit na balat, labis na pagpapawis, lagnat, pagkatuliro, pagkabalisa, pamumutla, mabilis na pulso at paghinga, pananakit ng ulo, at pagkahimatay. (Mary Ann Santiago)