Nagbanta ang Department of Transportation (DOTr) na kakanselahin ang kontrata ng service provider ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kung mabibigo itong ipaliwanag ang sunud-sunod na aberya sa naturang linya ng tren matapos ang huling pagkadiskaril noong Abril 18.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez, binigyan nila ng pitong araw ang Busan Universal Rail Inc. (BURI) para ipaliwanag ang pagkadiskaril ng tren at kung bakit hindi dapat kanselahin ang kontrata nito.
Pinadalhan ng notice ng DOTr ang BURI kinabukasan ng Abril 19 kasunod ng insidente dakong 8:00 ng gabi noong Martes.
“They have 7 days to explain why we should not terminate the contracts,” ani Chavez.
Samantala, hinimok ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles ang House Committee on Transportation na imbestigahan ang nasabing aberya.
“We’re lucky no one was harmed but I renew my calls for concern that these are rolling coffins. I am calling on the House Transport Committee to act on House Resolution (HR) No. 787 immediately,” pahayag ng mambabatas ng Mindanao kahapon.
Nananawagan ang HR No.787 sa transportation panel na pinamumunuan ni Catanduanes Lone District Rep. Cesar Sarmiento na imbestigahan ang mga opisyal ng MRT at ang BURI dahil sa diumano’y substandard na serbisyo.
Sinabi ni Nograles na tinangkang pagtakpan ng mga opisyal ng MRT-3 ang kapabayaan at kapalpakan ng BURI kaugnay sa insidente.
Lumalabas na nakaligtas sa kapahamakan ang mga pasahero dahil nangyari ang insidente matapos silang makababa sa North Avenue Station.
“What happened last Tuesday is more serious than what happened in 2014 when an MRT train overshot its tracks because the train was literally removed from its tracks! A lot of deadly scenarios can happen if the train was running on normal speed and was filled with passengers,” pahayag ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na dapat pagmultahin ang BURI sa tuwing magkakaaberya ang operasyon ng tren dahil sa systems failure. (MARY ANN SANTIAGO at ELLSON A. QUISMORIO)