Nagkaloob si Pangulong Duterte ng mahigit P1 milyon halaga ng tulong pinansiyal para sa mga pasahero ng minibus na bumulusok sa 100-talampakang lalim na bangin sa Carranglan, Nueva Ecija nitong Abril 18.

Inihayag kahapon ng umaga ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) spokesperson Atty. Aileen Lizada na nagbigay ang Pangulo ng P20,000 ayudang pinansiyal sa bawat isa sa mga nasawi sa aksidente, habang P10,000 naman ang ipagkakaloob sa bawat isa sa mga nasugatan.

Ayon kay Lizada, ipagkakaloob ang ayuda sa pamamagitan ni LTFRB chairman Assistant Secretary Martin Delgra III, na nakipagpulong kay Duterte at sa iba pang opisyal ng gobyerno nitong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Lizada na ang nasabing halaga ay personal na pera ng Presidente.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Naipamahagi na ang nasabing halaga kahapon, kasabay ng P200,000 casualty insurance sa tanggapan ng LTFRB field office sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

DPWH, DOTr PINAKILOS

Kaugnay nito, sinabi ni Delgra na inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na iwasang maulit ang insidente na ikinasawi ng 34 na pasahero at ikinasugat ng 43 iba pa.

Dumalo rin sa closed-door meeting sa Pangulo sa Malacañang nitong Huwebes sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, Department of Public Works and Highways (DPWH), Sec. Mark Villar, Land Transportation Office (LTO) chair ASec. Edgar Galvante, at Philippine National Police (PNP) chief Director-General Ronald dela Rosa.

Ayon kay Delgra, inatasan ni Duterte ang DOTr at DPWH na maglagay ng mga kinakailangang concrete barrier at wastong road signs sa mga highway, at magkabit ng tinatawag na “sleeper lines” o “alert strips” sa mga kalsada.

PATUNG-PATONG NA KASO

Samantala, patung-patong na kasong sibil naman ang inihahanda laban sa operator ng Leomarick bus na si Leonardo Patulot, ng Barangay Poblacion, Agoo, La Union.

Ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, ang LTFRB ang maghahain ng mga kasong administratibo laban kay Patulot.

“Kami (PNP) naman ang tutulong sa bawat biktima na maghain ng civil case na aalalayan ng mga abogado ng Public Attorneys Office (PAO),” sabi ni Yarra. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at LIGHT A. NOLASCO)