Aabot sa 41,000 pulis mula sa 21 ahensiya ng gobyerno ang nakatakdang ipakalat upang masiguro ang kaligtasan sa idaraos na 50th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa susunod na linggo, iniulat kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon kay NCRPO director Oscar Albayalde, sa kanyang panayam sa Radyo ng Bayan, handa na ang lahat at ngayong araw, Linggo, ipinakalat ang mga tauhan mula sa 21 ahensiya ng gobyerno.

“Handang-handa na po ang lahat. And of course, tomorrow ‘yung atin pong send-off [ceremony] na ng ating mga troops coming from all the 21 agencies ng ating gobyerno,” aniya.

“Starting Monday po, ‘yun po ‘yung ating full deployment na kung saan more or less gagamit po tayo ng mga 41,000 na personnel,” dagdag niya.

National

Shear line, easterlies patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng PH

Sa ngayon, sinabi ni Albayalde na walang namo-monitor na pagbabanta ang NCRPO sa ASEAN summit.

“Wala po tayong nakukuhang any report of any imminent danger particular dito sa sinasabi nilang terror attack,” aniya.

“Patuloy po ang ating pagmo-monitor ng iba’t ibang groups particularly ‘yung mga threat groups na manggagaling sa Maynila at Mindanao area,” paniniguro ni Albayalde.

Kaugnay nito, mas paiigtingin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang security measures sa lugar ng pagdarausan ng summit.

Binuo ng PCG ang Task Force Maritime, sa pamumuno ni Commodore Rolando Legaspi, upang matiyak ang seguridad sa Manila Bay.

Sampung response boat at dalawang patrol craft, at 200 personnel mula sa PCG district sa National Capital Region, ang lilibot sa para sa summit sa Philippine International Convention Center (PICC).

“They will start the maritime patrol tomorrow until the end of the Asean Summit,” ayon kay Balilo.

Samantala, upang hindi maipit sa trapiko ang mga delegadong dadalo sa summit, magbubukas ng special “Asean lanes” ang Metropolitan Development Authority (MMDA).

Magpapatupad ang MMDA ng “stop and go” scheme sa bahagi ng Senator W. Diokno, Jalandoni, A. De la Rama, Bukaneg at Arnaiz Streets sa Maynila; Makati Avenue, Makati City at Parkway Drive.

(May ulat ni Bella Gamotea) (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at RAYMUND F. ANTONIO)