Parehong hinihintay ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglantad ng may-ari at operator ng Leomarick Transport upang pagpaliwanagin ito tungkol sa pagkahulog ng mini-bus nito sa may 100-talampakan ang lalim na bangin sa Barangay Capintalan sa Carranglan, Nueva Ecija nitong Martes ng umaga.

Sa huling tala, 31 katao na ang nasawi sa aksidente habang 46 naman ang nasugatan.

Hinihintay pa ng NEPPO ang paliwanag ng operator ng Leomarick na si Leonardo Patulot, na papanagutin sa malagim na aksidente, lalo na at lumalabas sa paunang imbestigasyon na overloaded ang mini-bus (AVZ-757).

Ayon kay NEPPO Director Senior Supt. Antonio Yarra, kung susumahin ang 31 nasawi at 46 na nasugatan, maliwanag na 77 ang bilang ng mga accounted na sakay sa bus na para lamang sa 45 pasahero.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

“Apparently, the bus was overloaded. The owner/operator of the bus will be made accountable,” sabi ni Yarra.

NASABUGAN NG GULONG, NAWALAN NG PRENO

Batay sa kuwento ng mga survivor, narinig nilang may sumabog sa harapan ng bus, na batay sa imbestigasyon ay ang unahang gulong ng sasakyan.

Ayon pa kay Yarra, narinig ng isa sa mga survivor nang sabihin ng konduktor na pumalya ang preno ng bus. Nakatalon sa bintana ang konduktor bago pa bumulusok sa bangin ang bus, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito lumalantad.

Kabilang ang driver sa mga nasawi, at apat sa mga nasugatan ang kritikal pa ang lagay.

Pahirapan naman ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga pasahero dahil bukod sa nagkalat ang personal na gamit ng mga ito ay isinugod ang mga biktima sa magkakahiwalay na ospital sa Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.

ROAD SIGNS AT BARRIERS

“Hindi ito ang unang insidente na nagkaroon ng aksidente sa amin, kurbada kasi ‘yung daan,” sabi naman ni Carranglan Mayor Mary Abad. “Ito ang pinakagrabe, talagang risky ‘yung highway, dahil may mga lugar na kurbada. Pero may signs naman.”

Gayunman, sinabi ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada na walang road signs sa lugar ng aksidente nang personal niyang inspeksiyunin ang crash site kahapon.

“Sana may mga road signs, kasi this area, I learned, is prominent for accidents. Sana, from afar, sinasabi na ‘You are approaching an accident-prone area, slow down, check your brakes’—dapat gano’n, pero wala kaming nakita,” sinabi ni Lizada sa panayam sa telepono.

“The barriers that are placed there are so irrelevant to the type of vehicles that are plying (the highway). Ang lalaki ng mga dumadaan: trailers, buses, those carrying sacks of rice, heavily loaded trucks...that when it comes to the curves, like where the accident happened, there are no more (concrete barriers),” dagdag niya.

WALANG KARELYEBO

Sinabi pa ni Lizada na iniimbestigahan na ng ahensiya ang Leomarick dahil sa overloading at sa paglabag sa kapapalabas lang na memorandum ng LTFRB na naglilimita sa anim na oras na pagmamaneho ng isang driver ng pampasaherong sasakyan.

Aniya, natukoy sa mga paunang pagsisiyasat ng LTFRB na nilabag ng bus company ang nasabing mga patakaran.

“The entire distance of the trip from Ilagan, Isabela to Banguid, Abra is over 559 kilometers and covers 14 hours,” ani Lizada. Dagdag niya, nakumpirma niyang walang kapalita sa pagmamaneho ang driver.

Aniya, aalamin din ng LTFRB ang totoong chassis number ng bus upang matukoy kung wasto bang bumiyahe ito.

SUSPENDIDO

“The bus’ year model is 2006 according to the LTO (Land Transportation Office), but we are not relying to it,” aniya.

Samantala, umapela ang LTFRB sa mga kaanak ng mga biktima na makipag-ugnayan sa LTFRB Region 1 sa 0998-5164300 o 0919-3777282, o sa 603-1025 at 607-1247 para sa insurance claims.

Matatandaang nagpalabas kaagad ang Passenger Acdident Management Inc. (PAMI) ng P6.4 milyon halaga ng insurance claims para sa mga naaksidenteng pasahero, kasunod ng 30-araw na pagsuspinde ng LTFRB sa prangkisa ng Leomarick Trans. (May ulat ni Jun Fabon) (AARON RECUENCO, LIGHT NOLASCO at VANNE ELAINE TERRAZOLA)