Aabot sa P2.2 million cash ang tinangay sa isang Amerikanong doktor at sa misis niyang artista ng mga hindi pa nakikilalang kawatan na sinamantala ang kanilang pagbabakasyon.

Nitong Lunes ng umaga, humingi ng tulong sa pulis si Robert Walcher, 43, isang wellness doctor at mister ni Patricia Javier kaugnay ng umano’y pagnanakaw nang umuwi siya mula sa United States at nadiskubreng na nawawala ang kanyang P2.2-million cash savings sa kanyang bahay sa Doña Hemady Street sa Barangay Kristong Hari, Quezon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, umalis sa bansa si Walcher at kanyang pamilya noong Marso 24 para magbakasyon sa US at ipinagkatiwala ang bahay sa dalawa nilang katulong.

Matapos mamalagi ng halos isang buwan sa abroad, nakarating sila sa kanilang bahay sa Quezon City bandang 10:30 ng umaga at sinabi ni Walcher sa mga imbestigador na dumiretso siya sa storage room para silipin ang kanyang aparador kung saan niya itinago ang kahon ng sapatos na kinapapalooban ng nasabing halaga.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Gulat na gulat ang doktor nang makitang nasa labas ng aparador ang kahon ng sapatos at wala nang laman.

Iniimbestigahan na rin ang dalawang katulong ni Walcher, kapwa hindi pinangalanan, ayon sa awtoridad.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)