MATAPOS matagumpay na maitaboy ng puwersa ng pamahalaan ang isang grupo ng mga teroristang Abu Sayyaf sa Bohol, sa walang puknat na labanang pinagbuwisan ng buhay ng 3 sundalo at 1 pulis ay pormal nang ipinahayag ang pagbubukas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa isa sa mga isla rito na inaasahang dadaluhan ng 200 delegado.
Ayon kay Acting Interior Secretary Catalino Cuy, ang pagpupulong ng mga delegado sa ASEAN Summit ay uumpisahan sa Panglao Island na bukod sa pagiging magandang lugar ay isa raw sa pinakaligtas sa buong bansa – Wow naman, pinaka-SAFE pa rin daw sa kabila ng madugong bakbakang naganap sa lugar. Sana naman…ngunit mangyayari lamang ito kung pag-iibayuhin ng ating mga “intel operative” ang kanilang trabaho, at tutulungan naman sila ng kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng tamang paggamit ng kanilang “intelligence funds” na kung saan-saan lang naman yata napupunta.
Pansamantala kasing naantala ang pag-aanunsiyo sa dalawang araw na ASEAN trade meeting nang sumabog ang bakbakan sa pagitan ng ASG at ng magkasanib-puwersa ng militar at pulis noong nakaraang linggo.
Natunugan umano ng militar ang mga armadong ASG na planong “maghanapbuhay” sa ma-turistang lugar sa isla sa pamamagitan ng “kidnap-for-ransom” na nakagawian na nila sa pinanggalingang isla sa Mindanao.
Tumagal din ng halos tatlong araw ang naturang sagupaan, pati na ang “clearing operations” sa mga kanugnog na barangay at isla sa Bohol. Apat sa 10 namatay sa bakbakang ito ay pawang positibong miyembro ng ASG, kasama ang notorious nilang pinuno na si Muamar Askali, alyas “Abu Rami”, na mas kilala bilang tagapagsalita ng Abu Sayyaf. Ang teroristang grupong ito ay itinuturo ng militar at pulis na mga responsable sa pagdukot sa mga banyagang turista at negosyante sa Mindanao at pagpatay sa mga ito kapag hindi nakapagbigay ng ransom kapalit ng kanilang kalayaan.
“Our objective is zero incident up to the final ASEAN meeting,” ang buong tiwalang sabi ni AISec Cuy, na dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na beterano na sa pamumuno sa seguridad sa mga pagpupulong na ginanap sa bansa, at nakatakda pa ring pamunuan ang 140 pagpupulong na gagawin sa Pilipinas sa taong ito.
Ikinatuwa naman AFP at PNP ang walang pag-aalinlangang pagdalo ng 200 delegado – ‘yung iba ay nagdatingan na kahapon – sa Summit na ang sentro ng pag-uusapan ay ang “free trade agreement” sa pagitan ng ASEAN at Hong Kong. Sa susunod na mga araw ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang magiging punong-abala sa pagdating ng 9 na mga Head of State na dadalo sa ASEAN Summit na gaganapin dito sa Maynila.
Hangad naman nating lahat na maging mapayapa at matagumpay ang ASEAN Summit sa ikasusulong ng ating bansa.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]