CARMEN, Cebu – Nasa 10 katao na ang kumpirmadong nasawi sa matinding baha na dulot ng pananalasa ng bagyong ‘Crising’, na bagamat naging low pressure area (LPA) na lamang ay patuloy na nagbuhos ng malakas na ulan sa bayan ng Carmen sa Cebu hanggang Linggo ng umaga.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head Baltazar Tribunalo, kabilang sa mga nasawi ang walong katao na ang mga bahay ay tinangay ng baha sa Carmen, ang isa ay taga-Danao City, habang ang isa pa ay ang mangingisdang nalunod nang lumubog ang kanyang bangka sa Alcoy.

Sinabi ni Tribunalo na kinukumpirma rin ng PDRRMO ang mga ulat ng pagkalunod sa bayan ng Sta. Fe sa Bantayan Island.

Sampung Cebuano pa ang nasugatan sa bagyo, ayon sa tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na si Romina Marasigan.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Ang 10 nasugatan ay pawang mula sa bayan ng Miranilla, ayon kay Marasigan.

Isinailalim na rin kahapon sa state of calamity ang Carmen upang agarang magamit ang calamity fund nito para matulungan ang mga naapektuhan ng bagyo.

Mamamahagi ng relief goods ang PDRRMO, katuwang ang mga pamahalaang bayan ng Carmen at Danao City, sa mahigit 380 pamilya na pansamantalang tumutuloy sa mga kapilya at multi-purpose hall.

Magkakaloob din ang pamahalaang panglalawigan ng P10,000 ayudang pinansiyal sa pamilya ng mga nasawi sa baha.

(MARS MOSQUEDA, JR., FER TABOY at JUN FABON)