Hinimok ni Senator Juan Miguel Zubiri ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na gamitin ang mga lokal na opisyal sa pagpapaigting ng pangangalap ng impormasyon laban sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay Zubiri, nakaaalarma ang pagpasok ng ASG sa Central Visayas Region, dahil napatunayan ng teroristang grupo na may kakayahan ang mga itong maghasik ng lagim sa labas ng Mindanao.

“Nakakaalarma ‘yung nangyayari. Dapat ‘yung intelligence community from the military and the PNP should double time its efforts to find out. Naunahan pa tayo ng embassies, eh. They gave out the warning days prior sa paghuli at pagkita sa kanila doon,” ani Zubiri.

Aniya, ang tanging paraan ngayon para mapigilan ang ASG ay ang pagbibigay ng mga impormasyon ng mga lokal na pamahalaan.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Ilang araw na ang nakalipas nang magbabala ang United States Embassy sa Maynila sa mamamayan nito laban sa pagpasok ng mga teroristang grupo na magsasagawa ng mga pagdukot sa Central Visayas, at makalipas ang ilang araw ay nakumpirmang nasa Inabanga, Bohol ang Abu Sayyaf.

Sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng ASG at militar at nasawi ang anim sa panig ng terorista, tatlong sundalo at isang pulis.

Kasunod nito, nagpalabas din ng kani-kaniyang travel advisory ang Australia, Canada at United Kingdom.

(Leonel M. Abasola)