Sugatan ang tatlong lalaki, dalawa sa mga ito ay magkapatid, nang pagtulungang bugbugin at saksakin ng grupo ng kabataang lalaki, matapos dumalo sa isang party sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina John Mark Mongcada, 18; kanyang kapatid na si Joseph Anthony Mongcada, 20, kapwa residente ng Building 33, Unit 54, Temporary Housing, Vitas, Tondo; at si alyas “Jaw-jaw.”

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 4:09 ng madaling araw nangyari ang pambubugbog sa Raxabago Street.

Una rito, pauwi na umano ang mga biktima galing sa isang party sa Caloocan City nang harangin sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek at saka pinagtulungang bugbugin.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Bagamat may mga pasa sa katawan ay nagawa umanong makatakbo nina Joseph Anthony at Jaw-jaw habang naiwang wala malay si John Mark na nagtamo ng mga saksak sa katawan.

Nang magsitakas ang mga suspek ay binalikan nina Joseph Anthony at Jaw-jaw si John Mark at isinugod sa Tondo Medical Hospital.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang motibo ng mga ito. (Mary Ann Santiago)