LINGGO ng Pagkabuhay o Easter Sunday ngayon. Sa puso at damdamin ng mga Kristiyanong Katoliko, may hatid na galak, kaligayahan at pagbubunyi sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ang tagumpay ni Kristo sa kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay matapos siyang ipako sa krus, namatay at inilibing noong Biyernes Santo.
Sa araw na ito, lahat ng simbolo ng kalungkutan sa loob ng mga simbahan na namayani at nangibabaw sa panahon ng Kuwaresma ay muling napalitan ng kasiglahan tulad ng pagbabalik ng mga palamuting bulaklak sa altar gaya ng Easter Lily. Narinig muli ang masayang repeke o kalembang ng mga kampana. Nailawan din ng mga kandila, partikular na ng “Paschal o Easter Candle”, ang altar. Muling inawit sa misa ang masayang “Gloria in excelsis Deo” o Papuri sa Diyos sa kaitaasan at ang masayang pag-awit ng “Alleluia” sa huling bahagi ng misa.
Ang salitang Easter ay hango sa German word na “Eastre” na ang kahulugan ay “feast of life” o pista ng buhay.
Isinasagawa ito ng mga ancient tribes o sinaunang tribo sa pagsisimula ng “spring time” o tagsibol na ang kalikasan ay dumaranas ng muling pagkabuhay matapos ang taglamig. At nang kilalanin ng tribong Aleman ang Kristiyanismo, ginamit nila ang Easter o pista ng buhay para ipagdiwang ang muling pagkabuhay ni Kristo.
Ang Linggo o Pasko ng Pagkabuhay, sa paniniwalang Kristiyano ay may natatanging liturgical significance sapagkat ginugunita rin ang pagkakatatag ng Bagong Simbahan at ang katuparan ng pagmamahal sa tinatawag na “Mystical Body of Christ” o Mistikong Katawan ni Kristo. Ang pagkakatatag na ito ng Simbahan ay binanggit sa encyclical ni Pope Pius Xll (Mystici Corporis) na nagsasabing noong si Kristo’y nakabayubay sa krus, hindi lamang katarungan ang natanggap ni Kristo sa Diyos kundi napagtagumpayan din niya para sa atin na kanyang mga kapatid ang walang katapusang pagtanggap ng mga biyaya.
Ang mga biyayang iyon ay tuwirang ipinagkaloob niya sa sangkatauhan ngunit hinangad niyang gawin iyon sa pamamagitan lamang ng nakikitang isang Simbahan na ang bawat tao’y maaaring gumawa ng pakikipagkaisa sa Kanya.
Ayon pa kay Pope Pius Xll: “Kung bibigyan natin ng katuturan at ilalarawan ang Simbahang ito ni Kristo na Iisa, Banal, Pandaigdig at Apostoliko—hindi na tayo makatatagpo pa ng ibang salitang higit na marangal, dakila o lalo pang makalangit kaysa salitang tinatawag na “Mistikong Katawan ni Kristo”.
Kaugnay naman ng kagalakang hatid ng Linggo o Pasko ng Pagkabuhay ang pagdaraos at pagbuhay ng iba’t ibang tradisyon at kaugalian. Isa na rito ang “Salubong” o ang pagkikitang muli ng Kristong Muling Nabuhay (Risen Christ) at ng Mahal na Birhen na may itim na belo. Ang “Salubong” ay nagsisimula ng madaling araw o sa unang pamimitak ng silahis ng araw sa umaga. Dalawang prusisyon ang nagtatagpo sa isang piniling lugar. Maaaring sa krus na daan o sa plasa ng bayan.
Sa Angono, Rizal, ang Salubong ay ginaganap sa tinatawag na “Galilea” sa Bloomigdale subdivision. Dito’y may nakabitin na isang tila malaking Puso ng saging. May apat na talukap. Makulay ang dekorasyon na sa loob at naroon ang isang batang babaeng anghel. Habang ibinababa ang Puso matapos dagitin at buksan ng malalaking ibong papel, umaawit ng “Regina Coeli” o Reyna ng Langit. Ang pag-awit ay sinasabayan ng paghuhulog ng mga conffetti na nalalaglag sa imahen ng Mahal na Birhen at ng Risen Christ. Matapos ang pag-awit ay aalisin ang itim na lambong ng Mahal na Birhen.
Bahagi rin ng Salubong sa Angono, Rizal ang Sayaw ng Bati para sa Mahal na Birhen at sa Risen Christ ng Tenyanta at Kapitana (dalawang dalaga na pinili mula sa Angono). Ang unang sayaw ay ginagawa ng Tenyanta at ang ikalawa ay ng Kapitana matapos bumigkas ng dicho o tula para sa Mahal na Birhen.
Matapos ang dalawang sayaw, bumabalik na sa simbahan ang dalawang prusisyon kasama ang mga tao, ang batang anghel, ang Tenyanta at Kapitana upang simulan ang Misa ng Pasko ng Pagkabuhay. (Clemen Bautista)