Isang barangay kagawad ang napatay ng mga hindi pa nakikilalang armado sa Quezon City kahapon.

Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Jerson Dazo, 51, tricycle driver at kagawad ng Barangay West Fairview. Siya ay binaril dakong 5:30 ng umaga habang nasa terminal ng tricycle sa Dart Street, malapit sa Regalado Avenue sa nasabing barangay.

Isang saksi ang nagsabi sa mga imbestigador na nakita niya si Dazo na minamaneho ang kanyang motorsiklo patungong terminal upang mamasada nang biglang sunud-sunod na marinig ang putok ng baril.

Matapos noon ay nakita na lamang umano ng saksi na duguang nakahandusay si Dazo habang ang dalawang suspek, lulan sa motorsiklong walang plaka, ay humarurot patungong Consul St. upang tumakas.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Isang tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ni Dazo, ayon sa pulis.

Bigo naman umano ang saksi na makilala ang mga suspek dahil kapwa nakasuot ng bonnet, helmet at sunglasses.

Nakuha naman mula kay Dazo ang P17,700 cash.

Patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaslang. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)