MULA kahapong ipinako at malagutan ng hininga sa krus ang ating Panginoong Hesus, hanggang sa Kanyang muling pagkabuhay bukas, nais kong palawigin ang aking pagmumuni-muni. Sa pagkakataong ito, tulad ng isang pesimistiko, optimistiko at ng karaniwang nilikha o ordinary mortal, makatuturang bigyang-diin na ang pagkilala sa mga pagkakamali, pag-agapay sa mga nangangailangan at pag-unawa sa kapwa ay bahagi ng mga aral na ikinintal ng Panginoon sa ating mga utak.

Ang pagkamatay ng Diyos upang tubusin ang kasalanan ng sangkatauhan ay hindi nangangahulugan na ngayon lamang siya nalagutan ng hininga; ginugunita lamang natin ang kanyang kamatayan sa kamay ng mga tampalasan. Gayundin ang Kanyang muling pagkabuhay.

Ngayong ilang dapit-hapon na lamang at isa na akong octagenarian, maaaring ako ay nagkasala sa aking kapwa; hindi lamang sa ating mga mahal sa buhay kundi lalo na sa ating mga kapatid sa pamamahayag. Kabilang na rito ang mga nagsampa ng mga kasong libelo kaugnay ng pagtupad natin ng makabayang tungkulin bilang tagapagpalaganap ng katotohanan at makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan. Sa kanilang lahat, ako ay humihingi ng kapatawaran.

Naging bahagi rin ng ating misyon ang pagtulong sa kapwa material, spiritual at moral assistance. Hindi ko malilimutan ang inaksiyunan nating kaapihan at pagmamalupit sa ating mga kapatid sa propesyon; idinulog sa mga awtoridad ang kanilang mga problema at nagkaroon naman ng positibong resulta. Kabilang na rito ay isang kaibigang nahatulang mabilanggo subalit nabigyan ng absolute pardon ng Pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoo, maraming pagkakataon na hindi sapat ang ating mga pagsaklolo sa mga nangangailangan. Sa kanilang lahat, ako ay humihingi ng pag-unawa. Sana ay marami pa akong natulungan.

Sa kabilang dako, totoo rin na ako ay natulungan hindi lamang ng ating mga kapwa miyembro ng media kundi maging ng ating mga kaalyado sa iba’t ibang sektor ng taumbayan. Mga tulong ito na hindi matutumbasan ng salapi sapagkat ito ay produkto ng matapat na pakikisama; mga pagsaklolo na kusang-loob na bumukal sa kanilang mga puso; walang kaakibat na pagkukunwari. Sa kanilang lahat, ako ay taos-pusong nagpapasalamat.

Ang ganitong pagpapahiwatig ng tunay na saloobin ay maaaring ipakahulugan bilang pamamaalam sa daigdig. Wika nga, morbid thought o nakakikilabot na pangitain. Naniniwala ako na ang mga ito ay bahagi ng mga aral ng Panginoon na angkop lamang maging gabay sa ating pang araw-araw na pamumuhay – hanggang tayo ay nabubuhay. Hindi lamang habang ang ating Panginoon ay nakabayubay sa krus. (Celo Lagmay)