Pitong katao ang nasawi habang 30 naman ang nasugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa lansangan sa Quezon, Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union at Benguet habang marami ang nagbibiyahe nitong Miyerkules at Huwebes Santo.
Kahapon, kinumpirma ni Supt. William Nerona, tagapagsalita ng Ilocos Sur Police Provincial Office, ang pagkasawi ni Albero Padua, ng Barangay Panay, Magsingal, Ilocos Sur, sa banggaan sa Bgy. Cabigbigaan, Sto. Domingo, Ilocos Sur bandang 8:15 ng gabi nitong Miyerkules.
Maghahatinggabi ng Miyerkules Santo rin nang masawi si Luis Cabotaje, 45, sales clerk, taga-Bgy. Crispina, Banna, Ilocos Norte, makaraang sumemplang ang minamanehong motorsiklo sa Bgy. Bangsar, Banna.
Sa La Union, nasawi si Jaymar Abellera makaraang mabangga ang minamaneho niyang motorsiklo ng tricycle ni Peter Abellera Dela Cruz sa national highway sa Bgy. Sta. Lucia, Aringay, La Union nitong Miyerkules.
Sa Quezon, aksidente rin sa lansangan ang ikinamatay nina Ereneo Rojo, 78, residente ng bayan ng Catanauan; Elena Virey Cabellan, 68, ng General Nakar; Robert Amaba, 19, ng Calauag; at Jaypee Chavez, ng Buenavista.
Samantala, 17 katao ang nasugatan matapos na bumangga sa gilid ng Bukong Bridge sa Bgy. Langlangca sa Candon City, Ilocos Sur ang sinasakyan nilang van bandang 8:00 ng umaga kahapon.
Isinugod din sa ospital ang 13 katao makaraang tumagilid ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa Naguilian Road, Bgy. Yagyagan, Tuba, Benguet kahapon.
Batay sa 911 On Call Center, isinugod ang mga biktima sa Baguio General Hospital and Medical Center, at isa sa mga ito ang kritikal ang kondisyon.
Sinabi ni Chief Insp. Andres Calaowa, hepe ng Tuba Police, na nawalan ng preno ang Abra Traivedy Trans (AYV-445) kaya ibinangga na lang ito ng driver sa gilid, pero tumagilid ang bus. (FREDDIE LAZARO, DANNY ESTACIO at FER TABOY)