July 15, 2026

Home BALITA Probinsya

Apat na kaso ng African Swine Fever, naitala sa 2 barangay sa Bacolod City!

Apat na kaso ng African Swine Fever, naitala sa 2 barangay sa Bacolod City!
Photo courtesy: MB File Photo

Nakapagtala ng apat na kaso ng African Swine Fever (ASF) sa dalawang barangay sa Bacolod City, ayon sa mga lokal na awtoridad.

Sa isang media briefing nitong Miyerkules, Hulyo 1, na iniulat ng Manila Bulletin, sinabi ni City Veterinary Office (CVO) head Dr. Maria Agueda Dela Torre na nagpositibo sa ASF ang mga sample na kinuha mula sa apat na baboy—dalawa sa Bangga Riles sa Barangay Alijis at dalawa pa sa Purok 5, Barangay Taculing.

Isinagawa ang pagsusuri matapos magkaroon ng pagkamatay ng ilang baboy sa mga naturang lugar noong nakaraang linggo.

Dahil dito, agad na nagpatupad ng mga hakbang ang pamahalaang lungsod upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit sa iba pang lugar.

Ayon kay Bacolod City Mayor Greg Gasataya, nakalatag na ang mga border control at iba pang seguridad sa mga pangunahing pasukan at labasan ng lungsod bilang bahagi ng pag-iingat laban sa ASF.

Probinsya

Bombang 'di sumabog, narekober sa Davao City

Layunin ng mga hakbang na ito na mahadlangan ang pagpasok at paglabas ng mga hayop at produktong maaaring magdala ng naturang sakit.

Batay naman sa datos ng City Agriculture Office, tinatayang nasa 5,000 ang kabuuang populasyon ng baboy sa Bacolod City, habang may humigit-kumulang 430 backyard hog raisers na maaaring maapektuhan kung lalawak pa ang outbreak.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at hinihikayat ang mga mag-aalaga ng baboy na agad iulat ang anumang kahina-hinalang sintomas o biglaang pagkamatay ng kanilang mga alagang hayop upang maiwasan ang mas malawak na pagkalat ng ASF.

Ang African Swine Fever ay isang nakahahawang sakit na nakaaapekto sa mga baboy at wild boars. Bagama't hindi ito naipapasa sa tao, maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa industriya ng paghahayupan dahil sa mataas nitong mortality rate sa mga apektadong hayop.