July 21, 2026

Home BALITA National

National Disaster Resilience Month 2026, inilunsad; kahandaan, katatagan isinusulong!

National Disaster Resilience Month 2026, inilunsad; kahandaan, katatagan isinusulong!
Photo courtesy: National Disaster Risk Reduction and Management Council (FB)

Pormal nang inilunsad ngayong Hulyo 1 ang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM) 2026 sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense (OCD), Civil Service Commission (CSC), katuwang ang ARISE Philippines at SM Prime.

Sa pagsisimula ng isang buwang kampanya, muling binigyang-diin ng mga kinauukulang ahensya ang kahalagahan ng kahandaan at katatagan ng bansa laban sa iba’t ibang uri ng kalamidad at sakuna.

Kasabay nito, hinimok ang publiko na makiisa sa pagsusulong ng kultura ng paghahanda upang makabuo ng mas ligtas at mas matatag na komunidad para sa lahat ng Pilipino.

Nakatuon ngayong taon ang pagdiriwang sa temang “Building a disaster-resilient and safe public service workforce,” na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga kawani ng pamahalaan sa pagtugon sa mga emerhensiya at iba pang sakuna.

Ayon sa CSC, patuloy nitong isinusulong ang mga programa at polisiya na may kaugnayan sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM), gayundin ang occupational safety and health, upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng mga empleyado ng gobyerno sa buong bansa.

National

VP Sara, makakatakbong Pangulo hangga't 'di guilty—Comelec

Binigyang-diin din ng CSC ang kahalagahan ng pagbibigay sa mga kawani ng sapat na kaalaman, kasanayan, at pagsasanay upang maging handa sila sa anumang sakuna habang napapanatili ang ligtas na kapaligiran sa kanilang mga tanggapan.

Ayon pa sa komisyon, mahalaga ang papel ng milyon-milyong lingkod-bayan sa pagtataguyod ng kaligtasan, pagprotekta sa buhay ng mamamayan, at pagpapalakas ng katatagan ng bansa sa harap ng mga kalamidad.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring basahin ng mga ahensya at kawani ng gobyerno ang CSC Memorandum Circular No. 21, s. 2018 at ang CSC-DOH-DOLE Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2020 na naglalaman ng mga alituntunin hinggil sa disaster preparedness at workplace safety.

Tuwing buwan ng Hulyo ipinagdiriwang ang National Disaster Resilience Month bilang paalala sa kahalagahan ng pagiging handa at maagap sa harap ng mga panganib na dulot ng mga natural at gawa-ng-taong sakuna.