Kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año na kabilang ang Abu Sayyaf Group (ASG) leader na si Muammar Askali, alyas “Abu Rhami”, sa anim na teroristang napatay sa bakbakan sa Bohol nitong Martes.

Nabatid na pinamunuan ni Askali ang grupo ng mga bandidong nagtungo sa Bohol para mangidnap ng mga lokal at dayuhang turista, na una nang namataan sa Sindangan, Zamboanga del Norte.

“Yes, Abu Rahmi is among those Abu Sayyaf killed in the Bohol operation. His body was recovered by security,” sabi ni Año. “There was a total of six killed among the enemies (as) our troops recovered another body on the site of encounter.”

Ayon kay Año, malaking dagok sa ASG ang pagkamatay ni Askali, na isa sa pinakamatataas na opisyal ng bandidong grupo at minsan pang naging tagapagsalita nito.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

“He (Askali) was involved in controversial and famous kidnapping incidents like the kidnapping in Samal, the kidnapping of the Canadian, and the German kidnap victims. Maybe we can attribute a lot of atrocities to Abu Rahmi,” sabi ni Año.

“He is being eyed as one of the future leaders of the ASG that can be affiliated with ISIS. So, you know he is trying to make a name of his own, trying to arrange a career by replacing Radulan Sahiron,” dagdag pa ni Año.

“I can declare that the threat is over successfully after the siege in Barangay Napo, Inabanga, Bohol although we are still pursuing some of the remnants of the groups,” pahayag ni Año.

Bukod sa anim na miyembro ng Abu Sayyaf, tatlong sundalo at isang pulis din ang napatay sa engkuwentro sa Inabanga, Bohol nitong Martes. Isa pang pulis at isang sundalo ang nasugatan sa insidente, ayon sa AFP.

Dahil sa engkuwentro, 1,147 pamilya o mahigit 3,000 katao ang lumikas mula sa Inabanga, ayon kay Mayor Josephine Jumamoy.

Kasabay naman ng pagdating ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) ng pulisya mula sa Metro Manila sa Inabanga para ayudahan ang militar sa pagtugis sa ASG, naglaan si Cebu City Mayor Tomas Osmeña ng ayudang pinansiyal sa mga pamilya ng tatlong sundalo at isang pulis na nasawi sa sagupaan.

Magkakaloob din siya ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga grupong terorista na nais magsagawa ng kidnapping sa siyudad.

Gayundin, pinaigting pa ang seguridad sa mga tourist destination na Boracay at Guimaras Islands, na inaasahan nang dadagsain ngayong Semana Santa.

Tiniyak naman ng Malacañang na “in control” ang gobyerno sa insidente, kasabay ng pakikiusap sa publiko na manatiling kalmado ngunit alerto laban sa sinumang nais maghasik ng kaguluhan sa bansa.

“The public should have no cause for alarm as the situation is contained and our security forces are in control. The government is exerting all efforts to maintain peace and order,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella. “We encourage everyone to keep calm but remain alert and vigilant and to report to authorities information on any possible threat to public safety.

(May ulat nina Tara Yap at Genalyn Kabiling) (FER TABOY, FRANCIS WAKEFIELD at MARS MOSQUEDA, JR.)