Dalawampu’t tatlong deboto ang muling magpapapako sa krus bilang paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan bukas, Biyernes Santo, kahit pa mariing kinokondena ng Simbahang Katoliko ang tradisyon nang ito sa ilang lalawigan sa Central Luzon.

Dinadayo ang taunang rituwal na ito sa Pampanga sa nakalipas na 56 na taon at bahagi ng paggunita sa Kuwaresma o “Maleldo” sa mga barangay ng San Pedro Cutud, Sta. Lucia, at San Juan sa City of San Fernando (CSF) at sa ilang lugar sa Angeles City, Pampanga; gayundin sa Paombong, Bulacan.

Sinabi ni Zoilo “Tol” Castro, Jr., chairman ng Bgy. Cutud, na siyam na deboto ang nagpalista upang gayahin ang pagpapapako sa krus ni Hesukristo sa isang ginawang Calvary Hill, na inaasahang muling dadagsain ng mga residente at ng mga lokal at dayuhang turista.

Sa ika-31 pagkakataon, muling ipapako sa krus ang karpinterong si Ruben Enaje, na 30 beses nang gumanap na Kristo simula 1986.

National

Ikatlong impeachment complaint laban kay VP Sara, ihahain daw ng religious group?

Bukod sa pinaghahahampas ang mga nagpepenitensiya ng mga nakasuot ng damit ng kawal na Romano bago ipapako sa kahoy na krus, maraming deboto rin na nakahubad-baro ang naglalakad sa kalsada, sa matinding init ng araw, habang hinahampas ang sariling likod ng matatalim na pinanipis na kawayan na tinatawag na burilyos.

Bagamat marami na sa mga magpepenitensiya bukas ang ilang beses nang ginawa ang panata, sinabi ni Castro na patuloy silang nakatatanggap ng mga aplikasyon mula sa mga taong nais magpapako sa krus sa Biyernes Santo, at pinaniniwalaang madadagdagan pa ang nasabing bilang hanggang bukas.

Sa Bgy. Sta. Lucia, sinabi ng chairman na si Herman Quiwa na tatlo ang magpapapako sa krus.

“Pero posibleng madagdagan din ito dahil may mga nagpapalista pa,” sabi ni Quiwa.

Tatlo naman ang magpapapako sa Bgy. San Juan.

Sa Bgy. Calulut, sa San Fernando pa rin, walo ang nagpatala para magpapako sa krus bukas.

Batay sa datos noong nakaraang taon, sinabi ni Castro na may 5,000 sa Pampanga ang nakibahagi sa penitensiya, kabilang ang mga nagpasan ng krus, naghampas ng burilyos sa sarili, at nagpapako sa krus.

Nasa 40,000 rin ang nanood noong 2016. Sa bilang na ito, mahigit 2,000 ang dayuhan, na karamihan ay galing sa South Korea. Ang iba pa ay mula sa Amerika, Japan, China, at United Kingdom.

Ngayong taon, sinabi ni Castro na magpapakalat ng 350 pulis, barangay multiplier, sundalo at traffic enforcer upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan, gayundin ang maayos na trapiko sa San Fernando. (FRANCO G. REGALA)