Panibagong pahirap at mistulang magpepenitensya rin ang mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco) matapos ihayag kahapon ng kumpanya na magtataas ito ng singil ngayong Abril.
Ayon kay Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga, aabot sa P0.23 kada kilowatt hour (kWh) ang itataas sa singil sa kuryente ngayong buwan.
Pasok umano rito ang naunang naaprubahang P0.22/kWh na dagdag-singil dahil sa Malampaya shutdown noong Enero hanggang Pebrero.
Dahil dito, ang mga bahay na kumukonsumo ng 200kWh ay madadagdagan ng P46 sa kanilang bayarin habang ang mga kumukonsumo ng 300kwh ay may karagdagang bayad na P69.
Kasabay nito, isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa red alert status ang Luzon grid dahil sa manipis na reserba ng kuryente.
Ayon sa NGCP, simula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon ay itinaas sa yellow alert ang Luzon grid, ngunit pagsapit ng 2:00-3:00 ng hapon ay itinaas na ito sa red alert dahil sa deficiency sa supply ng kuryente na 200 megawatts.
Paliwanag ng NGCP, lumalaki ang nakokonsumong kuryente kapag tag-init dahil sa mas madalas na paggamit ng appliances.
(Mary Ann Santiago at Rommel Tabbad)