Nagpaabot ang Department of Migrant Workers (DMW) ng isang taos-pusong pasasalamat para sa kabibitiw lamang na kalihim ng Department of Health (DOH) na si ex-Sec. Ted Herbosa.
Sa isang pahayag na ibinahagi ng DMW sa kanilang Facebook post nitong Martes, Hulyo 14, nagpugay sila sa kahusayan ng paglilingkod ng dating kalihim, na anila’y naging dahilan upang mapaigting ang kooperasyon sa pagitan ng DMW at DOH.
“Maraming Salamat, Secretary Herbosa!” panimula ng DMW sa kanilang post.
Anila, “Taos-pusong nagpapasalamat at nagbibigay-pugay ang Department of Migrant Workers (DMW), sa pamumuno ni Secretary Hans Leo J. Cacdac, kay dating Secretary Teodoro ‘Ted’ Herbosa ng Department of Health (DOH).”
“Sa inyong mahusay na paglilingkod, lumakas ang ugnayan at kooperasyon ng ating dalawang ahensiya,” dagdag pa nila.
Anang ahensya, lumago ang pakikipagtulungan nito sa health department dahil sa kooperasyon nito sa pagtiyak sa maayos na kalusugan ng mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa iba’t ibang mga bansa.
“Mula sa pagsisiguro sa maayos na kalagayan ng repatriated overseas Filipino workers (OFWs) hanggang sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa ating mga Bagong Bayani, yumabong ang pagtutulungan ng DMW at DOH,” anang ahensya.
Dagdag pa nila, “Muli, maraming salamat sa inyong dedikasyon para sa kalusugan ng sambayanang Pilipino.”
"Mabuhay, Sec. Herbosa! Mula sa buong DMW family,” pagtatapos ng DMW.
Matatandaang inanunsyo ng Palasyo noong Lunes, Hulyo 13, na nagbitiw na sa kaniyang puwesto si Herbosa, dahil umano sa isyung pangkalusugan.
Kasabay nito ay ang pagtatalaga ng panibagong kalihim ng DOH na si Dr. Jose Pujalte, Jr.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Si Dr. Jose Pujalte, Jr., ang bagong DOH secretary-Balita