NAKAKAANTIG na mga kuwento at aral tungkol sa pagmamahal sa pamilya at tibay ng pananampalataya ang handog ng hosts ng It’s Showtime sa kanilang Holy Week special simula kahapon hanggang Miyekules (Abril 10-12).

Napanood kahapon sina Vhong Navarro at Jhong Hilario bilang half-brothers at anak ng kanilang ama (Joey Marquez) na susubukin ang relasyon bilang magkapatid ng selos at inggit.

Gaganap ngayong hapon bilang guardian angel si Anne Curtis na may isasagawang misyon. Maibalik pa kaya niya sa tamang landas si Zach (Enchong Dee) at mapalakas ang pananampalataya matapos ang isang matinding pagsubok sa pamilya?

Magsasama naman bukas sina Karylle, Billy Crawford, at Amy Perez na gaganap bilang mga magulang na nagsisikap na pagsabayin ang mga responsibilidad sa trabaho at tahanan. Sa kabila ng puspusang pagtatrabaho para sa kinabukasan ng pamilya, gaano nga ba kahalaga ang paglalaan ng panahon sa mga anak?

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

Matutunghayan din bukas ang kuwento ng pagmamahal ng tatlong lola sa kanilang apo na pagbibidahan ni Vice Ganda. Sa kuwentong ito, ibabahagi sa mga manonood ang pagpapahalaga sa mga taong minamahal habang sila ay nabubuhay pa.

Panoorin ang Holy Week special ng It’s Showtime family sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (Skycable Channel 167). Panoorin ang past episodes ng palabas sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.