WALANG alinlangan na ang pagtitirik ni Pangulong Duterte ng bandila ng Pilipinas sa Pag-asa Island ay nagpapatunay ng kanyang determinasyon sa pagmamay-ari sa naturang isla. Bagamat isang plano pa lamang, nais niyang magtungo sa nabanggit na teritoryo sa darating na paggunita natin sa Araw ng Kalayaan o Independence Day.
Sa aking pagkakaalam, ang Pag-asa Island ang pangalawang pinakamalaking pulo sa Spratly Islands na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Puerto Princesa City sa Palawan. Bagamat ito ay pinamamahalaan ng bayan ng Kalayaan sa naturang lalawigan, pinag-aagawan din ito ng China, Vietnam at Taiwan. Maliwanag na ang nasabing isla ay pag-aari ng Pilipinas. Samakatuwid, hindi lamang isang plano kundi tandisang utos ang dapat ipatupad ng Pangulo sa pagtitirik ng bandila sa ating teritoryo.
Ganito rin ang dapat mangyari sa iba pang pinag-aagawang isla na tulad ng Scarborough Shoal at Benham Rise na pawang bahagi ng ating bansa. Dapat lamang nating katigan ang pagbibigay-diin ng Pangulo sa ating kapangyarihan sa pinag-aagawang South China Sea. Katunayan, mismong ang United Nations, sa pamamagitan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang nagpasiya na ang nabanggit na mga teritoryo ay hindi lamang nasasakop kundi pag-aari pa ng Pilipinas.
Sa bahaging ito, marapat lamang nating kilalanin ang makabayang pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino. Ito ang nagsulong upang ipaglaban ang ating pagmamay-ari sa pinag-aagawang mga pulo. Kaakibat ng utos ng naturang pandaigdigang husgado ang agarang implementasyon ng desisyon.
Dangan nga lamang at ito ay ‘tila hindi pinahahalagahan o ayaw kilalanin ng China. Sa sinasabing isang mapaghamong hakbang, pinag-ibayo ng nasabing bansa ang pagtatayo ng ilang gusali at iba pang proyekto sa pagsubaybay ng mga armadong grupo. May pagkakataon na maging ang ating mga mangingisda ay hindi... man lamang makalapit at makapangisda sa nasabing isla.
Sa ganitong pagmamatigas ng China, nakapanlulumong mabatid na ang nabanggit na desisyon ng PCA ay isinantabi ng Pangulo; ayaw niyang salangin ang isyu sa South China Sea, sa halip ay ipinasiya niyang palakasin ang relasyon ng Pilipinas sa China na tinaguriang isang economic giant. Kaakibat ito ng kanyang paniniyak sa ating mga kababayang Pilipino na ang nasabing masalimuot na isyu ay lulutasin niya sa panahon ng kanyang panunungkulan o sa pagdating ng ‘tamang panahon’.
Hindi dapat magpaumat-umat ang Pangulo sa pagpapatatag ng ating kapangyarihan sa nabanggit na mga isla na pilit inaangkin ng sinasabing mga gahamang bansa upang tayo ay hindi nananatiling mistulang dayuhan sa ating sariling teritoryo. (Celo Lagmay)