3

NGAYONG Holy Week, tiyak na muling bubuhos ang daan-daang libong Katolikong mananampalataya sa Kamay ni Hesus Healing Shrine sa Lucban, Quezon.

Nagiging panata na ang pagbabalik ng napakaraming maysakit na gumaling sa shrine para magpasalamat o mamasyal sa iba’t ibang pasilidad nito na kinabibilangan ng Villa Dolorosa Grotto, Healing Church, Luklukan ni Maria, Noah’s Ark, Prayer Room, Sea of Galilee, at iba pa.

Huli kaming dumalaw sa pamosong dambana kasama ang iba pang mga manunulat sa imbitasyon ni Fr. Joey Faller noong nakaraang Enero 7, nang ipagdiwang ang ika-15 anibersaryo ng shrine.

Kahayupan (Pets)

Libreng kapon sa mga pusang 'Maris' at 'Anthony' ang pangalan, handog ng isang veterinarian

Nalaman namin sa pagbisita naming iyon sa visionary at healing priest na nagpatayo ng Kamay ni Hesus Shrine na limang taon na ang nakararaan ay kinausap siya ng filmmaker na si Louie Ignacio para gawing pelikula ang kanyang life story. Pero hindi siya pumayag, dahil ayaw niyang gawing showbiz ang buhay niya.

Nais kasi niyang mapanatili ang kanyang ordinaryong buhay.

Pero hindi siya tinigilan ni Direk Louie, na nangakong hindi magiging preachy ang life story niya, ipapakita lamang kung paano niya napagagaling ang mga tao na suportado ng mga dokumento at mga video.

“Pagkatapos ng matagal na pag-iisip, pumayag na rin ako, dahil alam kong this is not for me, this is for God and for the people, for the glory of God. Siya ang may gusto nito, instrument lamang Niya ako,” kuwento sa amin ni Fr. Joey habang kaharap namin siya sa tanghalian.

Wala pang detalye tungkol sa pagsisimula ng shooting ng pelikula na ipu-produce ng Kamay ni Hesus at ng Friends of Kamay ni Hesus. Pero all year-round ang kanilang 15th anniversary at magiging culmination nito ang premiere night ng movie.

Saan magsisimula ang kanyang biographical film, sa pagiging healing priest na niya?

“Ipapakita muna ang simpleng buhay ko, makaka-relate din ang mga manonood nito. Na marami rin akong dinaanang pagsubok sa buhay bago naging pari. Dumating din kasi ako sa punto na nagtampo ako sa Diyos, hindi ako naiiba dahil noong 1986, nag-suicide ang sister ko, 1988, namatay ang daddy ko. Na-ordain akong pari noong 1989, nang sumunod na taon namatay naman ang mommy ko sa abroad. Anim kaming magkakapatid, pero tatlo na lamang kaming natitira, ang isa naming kapatid si Dondon Faller, nawala noong 1994 at hanggang sa ngayon, malabo pa rin ang dahilan ng pagkawala niya, iniwan niya ang tatlong anak at asawa. Hindi namin alam kung buhay pa siya. Nasa Amerika ang dalawa ko pang kapatid.

“Naitayo namin itong Kamay ni Hesus in 2002 na wala akong means para mabuo ito, maliban sa personal kong pera na P200,000 na minana ko sa mga magulang ko. Pero bago ito, two years pa bago ito nabuo, nakakita na ako ng mga visions.

Most of the time, si Mama Mary ang nagma-manifest sa akin, na tinatawag ako. Until nag-join ako ng Oasis of Love Catholic Life in the Spirit Seminar. During the Baptism of the Holy Spirit ni Fr. Rustia, hindi si Fr. Rustia ang nakita ko, nakita ko si Hesus, duguan siya at ang sabi niya ‘I thirst.’ Kaya naman lakas-loob ang pagsisimula namin dito, dumating na ang mga donations tulad ng lote na tinayuan ng simbahan at iyong grotto sa tabi nito.”

Pinasimulan niya sa halagang P200,000 ang Kamay ni Hesus Shrine na ngayon ay worth a billion pesos na.

“Mula sa ilang square meters ng lupa, naging 2.5 hectares ito, nabili pa namin ang mga katabing lote at umabot ito sa five hectares. Pero ngayon binubuo na ito ng seven hectares, marami na kaming naipatayo rito. Hindi ako tumatanggi sa mga invitations for healing abroad, lahat ng mga donations na natatanggap ko, pasok lahat dito, subjected na rin kami sa BIR dahil pumayag kaming makapasok ang mga nagtitinda rito ng souvenirs, mga religious items.”

Nagkaroon siya ng matinding aksidente noong 1993 at himalang nabuhay, pero ang hinliliit sa kanang kamay niya ay hindi na naituwid kaya napahawig sa kamay ni Sto. Niño. Matagal din siyang naospital nang magkaroon siya ng sleep apnea o hindi siya humihinga habang natutulog. Hindi siya na-stroke kundi kulang lamang sa tulog at nasobrahan ng trabaho.

Kamakailan ay nagkaroon ng sunog sa loob ng compound at ilang tindahan na malapit sa simbahan ang nasunog.

Itinuturing nilang miracle na hindi nadamay ang simbahan. Nasunog ang souvenir items sa kanilang tindahan pero ikinagulat nila na nadilaan ng apoy ang mga Holy Rosary pero hindi nasunog. Iyon ang souvenir na ibinigay ni Fr. Joey sa amin, pagkatapos ng healing prayers niya sa amin.

Mayroong 70 volunteers na nagtatrabaho sa shrine na tumatanggap lamang ng allowance at mayroon namang 70 regular employees na sumasahod ayon sa ipinag-uutos ng batas.

Muling umalis ng bansa si Fr. Joey papuntang Amerika at Sydney, Australia, para sa healing masses sa imbitasyon ng parishes sa iba’t ibang simbahan doon. (NORA CALDERON) (Mga larawan galing sa kamaynihesus.ph)

[gallery ids="236434,236433,236432,236430,236429"]