Sususpendihin ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila sa Miyerkules, Abril 12, ang huling araw ng pasok ng mga kawani ng gobyerno at mga pribadong kumpanya.

Ayon sa maagang abiso ng MMDA, asahan na ang mas matinding trapiko sa Kalakhang Maynila dahil sa Miyerkules magkukumahog ang mga biyahero at dadagsa sa mga bus terminal, paliparan at pantalan upang makauwi sa kani-kanilang probinsiya para roon gunitain ang Kuwaresma.

Bukod pa rito ang mas maraming motoristang lalabas sa Metro Manila kasunod ng suspensiyon ng number coding.

Magpapatupad naman ang MMDA ng “no day-off/no vacation leave” sa mga traffic enforcer nito upang tiyaking mamamanduhan nang maayos ang trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila ngayong Mahal na Araw.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Kasabay nito, sasamantalahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkakataon para gawin ang ilang road projects sa Metro Manila sa Abril 13-16, kabilang na ang P. Burgos Street, patawid ng Bonifacio Drive at Roxas Boulevard sa Maynila, at kukumpunihin din ang ikalawang lane ng EDSA southbound sa pagitan ng Roosevelt Avenue at Quezon Avenue.

May mga pagawain din sa Commonwealth Avenue northbound, sa ikaapat na lane sa pagitan ng Litex Road hanggang Doña Carmen; Quirino Highway, sa pagitan ng Mindanao Avenue hanggang Araceli Street, second lane; Congressional Avenue Extension, pagitan ng Luzon St. at Tandang Sora Avenue, 3rd lane; EDSA southbound, 3rd lane, harap ng Citynet 1; EDSA southbound, 1st lane, harap ng Transcom; EDSA southbound, 1st lane, harap ng Lux Center, Mandaluyong City; at EDSA southbound, 1st lane, sa kanto ng Shaw service road sa Mandaluyong.

May road project din malapit sa EDSA Shrine, C5 Road sa Pasig, Pasig Boulevard, EDSA southbound sa Pasay, at McArthur Highway sa Valenzuela City. (Bella Gamotea)