NANG dahil lamang sa isyu ng mga “babae” o mistresses nina Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at Rep. Antonio Floirendo, Jr., hinihikayat ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na makabubuting yakapin ng Filipino males ang atheism, isang ismo na hindi naniniwala sa existence ng Diyos, upang maging libre sa pagkakaroon ng maraming asawa.
Katwiran ng ating Pangulo na maikli lang ang buhay ng isang tao kaya dapat magpasarap o magtamo ng kaligayahan habang nabubuhay. Dahil dito, ipinagtanggol niya si Speaker Bebot sa pagkakaroon ng bebot sa katauhan ni Ms. Jennifer Maliwanag Vicencio at pag-amin na may walo siyang anak sa iba’t ibang babae. Pero may batas sa PH laban sa bigamy, adultery at concubinage kahit ano pa ang iyong relihiyon.
May nagpapanukalang ma-disbar si Speaker Alvarez sapagkat ang pagkakaroon ng umano’y ilegal na relasyon sa isang babae bukod sa lehitimong ginang, ay isang batayan upang ang isang abogado ay tanggalan ng lisensiya. May nagpapanukala ring tanggalin siya bilang speaker at ipalit si ex-Pres. at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Kung ang impeachment complaint laban kay Mano Digong na inihain ni Magdalo Party-list Gary Alejano ay “suntok sa buwan”, ako na mismo ang nagsasabing parang “suntok sa hangin” ang planong patalsikin si Speaker Bebot dahil si PDu30 ang kanyang abogado. Sina (Digong at Bebot) ay parang magkakulay na mga ibon (birds of the same feather flock together).
Hindi ba ninyo napapansin, unti-unti nang dumadausdos ang performance at trust ratings ni PRRD kung ang pagbabatayan ay ang survey results ng Pulse Asia nitong first quarter ng 2017. Gayunman, nananatiling mataas ang over-all approval ratings ng Pangulo na nagtamo ng 78%. Bahagya lang ang pagbagsak ng kanyang ratings at bilib pa rin ang mga Pinoy kay Pres. Rody.
May sakit daw si Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines. Siya ay 78-anyos na. Sana ay magkaroon na ng ganap na pagkakasundo ang gobyerno Pilipino at ang CPP-NPA-NDF alang-alang sa kabutihan, kagalingan at kapakanan ng sambayanang Pilipino. Halos 50 taon nang nakikipaglaban ang komunistang kilusan ni Joma Sison, pero hanggang ngayon ay walang nangyayari sa kanyang adhikain na maipalit ang sistemang komunismo sa demokratikong sistema ng Pilipinas.
Hindi ikinatuwa ng marami ang desisyon ni PDu30 na hayaang okupahin ng mga kasapi ng Kadamay ang housing units sa Pandi, Bulacan, kabilang sina Sens. Richard Gordon at Panfilo Lacson. Naiiyak din ang mga lehitimong mahihirap na sumailalim sa proseso at aplikasyon upang tumira sa nasabing pabahay at nagbabayad kada buwan. Heto ngayon ang mga miyembro ng Kadamay na basta sumugod sa Pandi at inokupahan ang mga unit dahil wala naman daw nakatira at sila’y mahihirap.
Naniniwala si Gordon na ang ganitong pasya ni PRRD ay baka maging susi o daan ng anarkiya. Isa raw itong “An invitation to anarchy.” Dagdag ng dalawang senador: “It is a potential invitation to utter disregard to the rule of law, if not chaos and anarchy.”
Sabi sa akin ng isang kaibigan: “Puwede nating ituring itong AGAW-BAHAY.” (Bert de Guzman)