Hindi na nakapalag ang tatlong lalaki na umano’y miyembro ng “Baklas-kotse” gang nang posasan sa anti-crime campaign ng Galas Police sa Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ni Police Supt. Christian dela Cruz, hepe ng Galas Police-Station 11, ang mga inarestong suspek na sina Roel Suicon y Ratcho, 27, ng No. 17 Cardiz Street, Barangay Tatalon, Quezon City; Mark Teologo y Roño, 36, ng No. 37 Batulao St., Bgy. Tatalon, Quezon City; at Gerald Abaja y Tigbawan, 33, ng No. 60 Cardiz St., Tatalon, Quezon City.

Base sa imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang pulisya hinggil sa tatlo umanong kilabot na miyembro ng Baklas-kotse na tumatangay ng mga side mirror at nagbubukas ng mga kotse sa Banawe St., Bgy. Galas.

Agad ikinasa ang operasyon, sa pamumuno ni Supt. Dela Cruz, laban sa mga suspek at sinalakay ang Cardiz St., Bgy. Tatalon na ikinagulat ng tatlo.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Nakumpiska kina Suicon, Teologo at Abaja ang iba’t ibang piyesa ng kotse: 5 emblem; 20 hubcap; 170 side mirror housing; 13 side mirror frame; 2 fog lamp housing; 1 fog lamp; 1 door handle; 46 na side mirror; 4 tail light; at 3 sachet ng hinihinalang shabu at ang halaga ng mga nakumpiskang piyesa ay aabot sa P55,000.

Nahaharap ang tatlo sa mga kasong paglabag sa CO 1526 (Purchase and Selling of Side Mirrors of Unknown Origin) at RA9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at nakapiit sa Galas Police Station. (Jun Fabon)