040517_Earthquake_06_Batangas_Jun Aran_as copy

Inihayag kahapon ng pamunuan ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) sa Region IV-A (Calabarzon) na may kabuuang 91 aftershocks ang naitala kasunod ng 5.5 magnitude na yumanig sa Batangas at sa iba pang bahagi ng bansa nitong Martes ng gabi.

Gayunman, sinabi ni Olivia M. Luces, director ng RDRRMC at OCD IV-A, na batay sa impormasyon mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs), lima lamang sa nasabing bilang ng aftershocks ang naramdaman.

Tinukoy ang fault sa Mabini Peninsula sa nangyaring pagyanig, sinabi ni Luces na naramdaman ang aftershocks sa ilang lugar sa Calabarzon, at naitala pa ang mula intensity 2-5 sa ilang munisipalidad sa Batangas, Cavite, Quezon at Laguna.

Ginang, na-swipe wrong sa dating app; na-scam ni 'Mr. Right' ng higit <b>₱</b>100K

BAHAGYANG PINSALA

Nawalan din ng supply ng kuryente ang ilang panig ng Batangas, ayon kay Luces, at natukoy sa kanilang monitoring ang pagkabasag ng salamin at pagbibitak ng ilang establisimyemento.

Nagtamo rin ng bahagyang pinsala ang makasaysayan at daan-daang taong gulang nang Taal Basilica at ang Tingloy Church.

Kaagad namang naglaan ang pamahalaang panglalawigan ng P1 milyon para sa pagpapaayos sa Taal Basilica, bukod pa sa 200 sako ng semento para sa pagsasaayos ng mga napinsalang istruktura sa bayan ng Tingloy, ang epicenter ng lindol.

Sinabi pa ni Luces na bagamat libu-libong pamilya ang inilikas sa iba’t ibang bayang malapit sa dalampasigan, kaagad din namang nagsiuwi ang mga ito makaraang tiyakin ng Phivolcs na walang banta ng tsunami.

Gayunman, ilang residente ang nanatili sa labas ng kani-kanilang bahay, partikular sa Batangas City, dahil sa takot sa maya’t mayang aftershocks.

STATE OF CALAMITY

Kasabay nito, nilinaw naman ni Batangas Provincial Administrator Librado Dimaunahan na hindi pa naisasailalim sa state of calamity ang lalawigan, taliwas sa unang napaulat kahapon ng umaga.

“We have not declared any state of calamity, we are still waiting for the reports because there are parameters for it,” ani Dimaunahan.

Paliwanag niya, kailangan munang magpadala ang Office of the Governor ng letter of request sa Sangguniang Panglalawigan upang magpasa ito ng resolusyon para sa pagdedeklara ng state of calamity sa Batangas.

Tinaya naman ni Provincial Engineer Gilbert Gatdula sa P16 milyon ang paunang assessment sa pinsala sa mga gusali sa compound ng kapitolyo.

Dahil dito, kinansela kahapon ang pasok sa kapitolyo, gayundin sa mga eskuwelahan habang nakataas ang “Red Alert” sa Batangas para sa pagpapatuloy ng monitoring ng RDRRMC sa mga apektadong lugar. (FRANCIS WAKEFIELD at LYKA MANALO)