NOONG 2014, nagkasundo ang United States at China, na dating hindi magkaisa sa maraming iba pang isyu, matapos ang ilang buwang pag-uusap. Inihayag nina US President Barack Obama at China President Xi Jinping sa Beijing na kapwa nila babawasan ang industrial carbon emissions ng kani-kaniyang bansa.

Nakapangako ang US na magpakawala ng 26 hanggang 28 porsiyentong bawas carbon pagsapit ng 2025. Nangako ang China na gagamit ng mas maraming clean energy sources, gaya ng solar power at windmills, at ito ay magiging katumbas ng 20 porsiyento ng kabuuang energy production ng China pagsapit ng 2030. Inaasahan na sa kasunduang ito, ang US, ang No. 1 carbon polluter sa mundo sa ngayon, at ang China, ang No. 2, ay mahihikayat ang iba pang mga bansa na magbawas na rin ng kanilang sariling greenhouse gases.

Inaprubahan ng mundo noong 2015 ang United Nations Agreement on Climate Change sa Paris, France, na ang bawat 130 bansa, kabilang na ang Pilipinas, ay nagsumite ng kanilang national plan para tumulong sa pagsasakatuparan sa target na malimitahan ang pagtaas ng temperature ng mundo ng 2 degrees Celsius mahigit sa pre-industrial levels.

Ginugunita natin ang makasaysayang kasunduang ito ng US at China kasunod ng balita nitong nakaraang Martes na nilagdaan ni US President Donald Trump ang kautusan na nagbabalewala sa Clean Power Plan ni Obama na nag-oobliga sa mga estado ng unyon na bawasan ang carbon emissions mula sa kanilang mga power plant ng 32 porsiyento mas mababa sa 2005 levels pagsapit ng 2030. May 85 porsuyento ng 50 estado ng US ang sinasabing nasa landas na ng pag-abot sa kanilang mga target.

Ngunit ang bagong kautusan ni President Trump na kanyang inilabas upang tulungan ang coal mining industry ng bansa, ay naglalagay sa alanganin sa kakayahan ng US na matamo ang adhikain ng Clean Power Plan. Inilalagay nito sa alanganin ang pangako ng US sa China sa kanilang kasunduan noong 2014. Hinihiwalay nito ang US sa mundo, sa 130 nasyon na nag-apruba sa Paris Agreement at nangakong gagawin ang kanilang pambansang kontribusyon sa pagpapabagal sa climate change.

Umaasa na lamang tayo na ang iba pang bansa sa mundo – lalo na ang China – ay mananatiling tapat sa mga pangarap at mga adhikain ng kasunduan sa Paris, kahit na ang US ay lumalabas na itinatakwil na ito. Sa ngayon, ang ating Pangulong Rodrigo Duterte ay may sarili ring mga pagdududa tungkol sa kasunduan ngunit sa wakas ay napagtanto rin niya ang kahalagahan ng buhay sa planetang ito. Nilagdaan niya ang Instrument of Accession nitong Pebrero 28 at kaagad pinagtibay ng Senado ang kasunduan.