Itinanggi ng Malacañang kahapon na nagbayad si Pangulong Rodrigo Duterte para manguna sa botohan ng TIME Magazine para sa 2017 Top 100 most influential people.

Ito ay matapos lumabas ang isang artikulo sa website ng Time na binabanggit na kilala si Duterte sa paggamit ng social media upang isulong ang kanyang “agenda” at iniulat na nagbayad ng mga tao “[to] push him to popularity online.”

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na minamanipula ng mga kritiko ni Duterte ang media para mawalan ng kapangyarihan at impluwensiya ang punong ehekutibo.

“Certain members of the establishment continue to manipulate media here and abroad to their advantage in the hope of regaining lost power and influence,” mensahe sa text ni Abella.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Idiniin ni Abella na ang pangunguna ni Duterte ay nagpapahiwatig lamang na maraming tao ang totoong sumusuporta sa Pangulo.

“Accusing him of using paid writers, they want only paint Mr. Duterte as manipulating social media to boost his popularity in the online TIME poll. They totally do not get that the common people actually support him and his drive to build an independent Filipino nation - albeit still a rather socially conservative one,” dagdag niya.

Sinimulan ng TIME ang kanilang online poll para sa 100 most influential people sa shortlist ng mga kandidato noong Marso 24. At simula noon ay patuloy na nangunguna si Duterte.

Kahapon ng umaga, nangunguna si Duterte sa limang porsiyento (5%) ng nakuhang boto. Sinusundan siya nina Russian President Vladimir Putin, Canadian Prime Minister Justin Trudaeu, Pope Francis, Microsoft co-founder Bill Gates, at Facebook co-founder Mark Zuckerberg na lahat ay nakakuha ng 3% ng mga boto.

Magsasara ang botohan eksaktong 11:59 ng gabi E.T sa Abril 16 at ilalathala ang resulta sa Abril 20. (Argyll Cyrus B. Geducos)