Pinalad na nakaligtas sa kamatayan ang isang architect makaraan siyang pagsasaksakin ng tinidor sa ulo at iba pang parte ng katawan ng kainuman niya sa isang resto bar sa Quezon City, iniulat kahapon.

Nakaratay ngayon sa East Avenue Medical Center dahil sa mga tinamong saksak si Generoso Evangelista Jr. y Esumedjia, 37, may asawa, licensed architect, at taga-Barangay San Agustin, Bay, Laguna.

Nakilala naman ang suspek sa alyas na “Piolo”, na umano’y katrabaho ng biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Terixon Galano, ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 6, bandang 10:30 ng gabi nitong Biyernes nang mangyari ang insidente sa loob ng Carnivor Bistro Bar sa Filinvest I Road sa Bgy. Batasan Hills, Quezon City.

National

Rep. Abante, muling binira ang 'bashers' ng quad comm

Nabatid na nag-iinuman ang magkakatrabaho para ipagdiwang ang mga may kaarawan nitong Marso, kabilang si Evangelista, nang magkainitan sila.

Nagkasagutan umano ang biktima at ang suspek hanggang sa kuhanin ng suspek ang tinidor na para sa pulutan at inundayan ng sunud-sunod na saksak sa ulo at katawan ang biktima, bukod sa pinagsusuntok pa.

Kaagad namang nakatakas ang suspek, na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.