Isang fire volunteer ang nasugatan sa sunog na tumupok sa may 10 bahay sa Paco, Maynila nitong Biyernes, na sinasabing nag-ugat sa isang napabayaang kandila.
Bahagya umanong nasugatan sa sunog ang fire volunteer na si Roberto Socorro matapos na matalsikan ng nabasag na baso habang tinatangkang apulahin ang apoy.
Batay sa ulat ni SFO3 Sonny Lacuban, ng Manila Fire Department, dakong 11:50 ng gabi nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Carla Tejedor sa Salvador Street sa Paco.
Sinasabing umalis ng bahay si Tejedor, flower vendor, at naiwan lamang doon ang anim na taong gulang na lalaking anak nito at limang taong gulang na pamangkin nang sumiklab ang sunog.
Masuwerte namang nakalabas kaagad ng bahay ang dalawang bata bago pa tuluyang lumaki ang apoy.
Inamin naman ni Tejedor na gumagamit sila ng ilegal na koneksiyon ng kuryente at nagkakandila na lang sa gabi.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula bandang 1:35 ng umaga.
Tinatayang aabot sa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumupok sa may P50,000 halaga ng ari-arian. (Mary Ann Santiago)