SA kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga kapanalig na itigil ang pagsasampa ng impeachment laban kay VP Leni Robredo, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na susuportahan niya ang impeachment na isinusulong ni Speaker Pantaleon Alvarez. Naniniwala umano siya na may batayan ang hakbang na ito laban sa Bise Presidente. Iyong utos daw ng Pangulo ay personal lamang nitong opinyon. Kasi, hindi naman daw niya tungkulin ito kundi ng Kongreso.
Ang problema, may nauna nang inihaing impeachment complaint si Marcos Loyalist Oliver Lozano. At ang kanyang batayan ay ang ‘culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.’ Ayon kay Lozano, nag-ugat ito nang ipadala ni VP Leni sa United Nations ang kanyang video message na binabatikos ang administrasyong Duterte kaugnay ng umano’y extrajudicial killing. Magsasampa ba ng hiwalay na impeachment complaint si Speaker Alvarez na hindi niya legal na magagawa dahil nga sa nauna si Lozano?
Sa ilalim ng Saligang Batas, isang impeachment complaint lamang ang maaaring isampa laban sa mga impeachable official sa loob ng isang taon. Kaya, lalabas ang impeachment na isusulong ni Alvarez at susuportahan ni Aguirre ay iyong inihain ni Lozano. Dahil dito, mahirap nang salagin nina Alvarez at Aguirre ang bintang ni VP Leni na ang nasa likod ng impeachment laban sa kanya ay ang tinalo niyang si Bongbong Marcos. Lalo na nga’t minsang nakitang magkasama si Aguirre at Marcos sa isang pampublikong pagtitipon.
Ang ibig bang sabihin nito ay higit na mabigat ang pagsasamahan nina Speaker Alvarez, Sec. Aguirre at dating Sen. Marcos kaysa relasyon ng dalawa kay Pangulong Digong? Hindi ko ganito tinitingnan ang animoy pagsuway nina Alvarez at Aguirre sa kautusan ng Pangulo na itigil ang pagsasampa ng impeachment laban kay VP Leni.
Sasabihin ko rin iyong sinabi ni Sen. Trillanes kay VP Leni ukol sa imbitasyon ng Pangulo sa kanya na mag-dinner sila kasama ang kanyang pamilya: “Huwag kang paluluko uli.” Ayon kasi kay Trillanes, minsan nang ginawa ito ng Pangulo sa kanya nang atrasado nitong ialok sa kanya ang posisyon sa Gabinete. Pero napilitan siyang magbitiw pagkatapos siyang pagbawalan, sa pamamagitan ng text message, na dumalo sa pulong ng Gabinete.
Tama si Trillanes. Bago iutos ng Pangulo sa kanyang mga kaalyado na itigil na ang pagsasampa ng impeachment laban kang VP Leni, sinabi niya sa mga Pinoy sa Bangkok, Thailand na nagmamadali itong maging pangulo. Pagkatapos naman niyang imbitahan ito, inakusahan naman niya na kasama ito sa destabilization plot laban sa kanya.
Dahil dito, hindi ko alam kung saan hahantong ang usapang pangkapayapaan na binuksan ng Pangulo sa mga rebelde.
Sinseridad kasi ang pinakamahalagang bagay para ito ay maging mabunga. (Ric Valmonte)