Isang hindi pa nakikilalang lalaki na ibinalot sa packaging tape ang mukha, ang natagpuang patay sa isang kalsada sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ni Caloocan Police chief Sr. Supt. Chito G. Bersaluna ang biktima na nakasuot ng itim na t-shirt at puting short pants.
Mayroon din umano itong tattoo na bungo at espada sa kanyang dibdib.
Base sa imbestigasyon, dakong 6:00 ng umaga, nagpapatrulya ang dalawang security guard sa Vetarans Avenue sa Barangay 171, Caloocan nang madiskubre ang bangkay.
Tadtad umano ng saksak sa katawan ang biktima at nakabaon pa sa kanyang dibdib ang kutsilyong ginamit ng suspek sa pagpatay.
Pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang lalaki at posible rin umanong itinapon lamang ang bangkay nito sa pinangyarihan ngunit sa ibang lugar pinatay.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Jel Santos)