Isang drug surrenderer na abala sa pagkukumpuni ng kanyang motorsiklo ang pinagbabaril at pinatay ng hinihinalang vigilantes sa harap mismo ng kanyang bahay sa Malabon City, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Ian Kevin Magkalas, 26, ng Barangay Muzon, Malabon. Samantala, patuloy ang pagtugis sa mga armado.

Base sa imbestigasyon, dakong 8:45 ng gabi, abala si Magkalas sa pagkukumpuni ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Kagitingan Street, sa Bgy. Muzon, Malabon nang bigla itong pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki.

Sakay umano sa motorsiklo ang mga suspek at isa sa kanila ang bumunot ng baril at makailang beses pinaputukan si Magkalas.

Kitty Duterte sa kaarawan ni FPRRD: 'His love goes beyond his commitment'

Matapos ang insidente, humarurot ang mga suspek, kapwa nakasuot ng helmet, sa Sto. Niño St., Bgy. Concepcion, Malabon.

Tinangka pang isugod si Magkalas sa Tondo Medical Hospital ngunit huli na ang lahat. (Jel Santos)