Nagkabutas-butas sa bala ang katawan ng isang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang isang 15-anyos na babae sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, kinilala ang biktima na si Jefferson Macatuggal, 38, ng Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Ayon kay JR Annang, 39, bayaw ng biktima, dakong 11:00 ng gabi, nakikipaglamay si Macatuggal sa kanyang kapitbahay nang mangyari ang insidente.
“Bigla pong may dumating na dalawang lalaki na naka-bonnet at magkaangkas sa motorsiklo, tapos pinagbabaril na nila si bayaw,” ani Annang.
Dahil sa magkakasunod na pakawala ng bala, tinamaan ng bala ang isang 15-anyos na babae na noo’y nakikipaglamay din.
Isinugod ang dalaga sa Tala General Hospital at ligtas na sa tiyak na kapahamakan.
Ayon sa mga barangay officials, inirereklamo si Macatuggal ng kanyang mga kapitbahay dahil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga. (Orly L. Barcala)