Sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-iisyu ng special travel permit ngayong taon sa mga bus upang matugunan ang dagsa ng pasaherong uuwi sa mga probinsiya sa Semana Santa.
Sinabi ni LTFRB board member at spokesperson, Atty. Aileen Lizada, na pinahintulutan nila ang ilang Metro Manila bus na bumiyahe sa labas ng ruta ng mga ito para sa Lenten season.
Kahapon, ayon kay Lizada ay nakapag-isyu na ang ahensiya ng 1,116 na special permit na valid sa Abril 9-17, 2017.
Ayon kay Lizada, patuloy na tumatanggap at nagpoproseso ang LTFRB ng mga aplikasyon ng iba pang bus operators.
Upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero, sinabi ni Lizada na magsisimula na sa Lunes ang pag-iinspeksiyon ng LTFRB sa mga bus terminal sa Pasay City at Quezon City.
Magtatalaga rin ng LTFRB personnel sa terminals, aniya. (Vanne Elaine P. Terrazola)