KUNG may isang dating pangulo ang Pilipinas na ang pangalan ay naiugnay na sa kanyang probinsiya, ito ay si yumaong Pangulong Sergio Osmeña, Sr., ng Cebu.
Hindi ko isinasantabi ang mga tagumpay at reputasyon ng mga David, Fernan, Briones, Sotto, Durano, Garcia, Logarta at Rama, ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang Osmeña, na kilala sa larangan ng pulitika sa Cebu.
Ipinagmamalaki ng isa kong kaibigan, si Ernie Banawis na nag-aaral ng kasaysayan at pulitika, si Sergio Osmeña bilang pinakamahusay ng pangulo ng ating bansa. Habang kinikilala niya ang malaking kontribusyon ni Manuel Quezon sa ating kasaysayan, sinabi niya na mas malaki ang naiambag ni Osmeña kay Quezon.
Ayon kay Ernie, sobrang determinado sa kanyang misyon na maibalik ang ating kalayaan mula sa kamay ng United States; sinakripisyo niya ang kanyang personal na interes upang hindi madiskaril ang ating paglaya.
Napakahalaga na ipagpatuloy ng kanyang mga anak, apo at kamag-anak ang kanyang sinimulan sa serbisyo-publiko.
Napakataas ng respeto at tingin kay Sergio Osmena, Jr. bilang senador at Cebu governor.
Tumakbo siyang pangulo laban kay Ferdinand Marcos ngunit siya’y natalo.
Ang kanyang apo, si dating Senador Sergio Osmena, III, ay labis na pinapurihan sa kanyang talino at opinyon sa mga pangunahing isyu noong siya’y nasa Senado. Marami sa atin ang nagnanais na mabasa o marinig ang pananaw ni Serge sa kasalukuyang mga isyu.
Nakatutuwang malaman na pinanatiling buhay ni Cebu City Vice Mayor Tommy Osmeña, na nakapanayam ko nang bumisita ako sa Cebu, ang mga pamanang iniwan ni dating pangulong Osmeña.
Sa kasamaang palad, hindi ang pinakamahusay na leader ng bansa ang pangulo nang makamit natin ang ating kalayaan.
Ipanalangin natin na magkaroon tayo ng leader na gaya ni Osmeña na mag-aangat at magpapalaya sa ating bansa mula sa pagkalugmok at kahirapan. (Johnny Dayang)