Halos hindi makapaniwala si Rolando Omangos, 21, isa sa 20 mangingisda na pumalaot pa-ibang bansa, na matapos ang halos tatlong buwang pagkain ng lumot at pag-inom ng tubig ulan sa gitna ng laot ay mananatili siyang buhay.
Sakay sa maliliit na bangka, pagpasok pa lamang ng taong 2017 ay pumalaot na si Omangos, kanyang tiyuhin at 18 iba pang mangingisda.
Ngunit biglang nagbago ang lagay ng panahon sa pagpasok ng bagyong ‘Bising’ at sa hindi inaasahang pangyayari ay naubusan sila ng gasolina sa gitna ng tubig hanggang sa paghahampasin ng alon ang kanilang bangka at mapadpad sila sa Papua New Guinea.
Makalipas ang isang buwan, patuloy sa pagsunod sa alon ang bangka ni Omangos at ng kanyang tiyuhin, na kalaunan ay namatay sa gutom.
Sa kabila ng lungkot na nararamdaman, nanatiling matatag si Omangos; tiniis ang lamig, kumain ng lumot at umasa sa tubig ulan na kanyang isinuporta sa nanghihinang katawan.
Ayon kay Omangos, makailang beses siyang nakakita ng barko, dalawa hanggang tatlong milya ang layo mula sa kanyang bangka, at mas lalo siyang nanghina sa kahihingi ng saklolo ngunit hindi siya napapansin ng mga ito.
Hanggang nitong Marso 9, nagliwanag ang mukha ni Omangos sa unti-unting paglapit ng Japanese vessel sa kanyang kinaroroonan.
Maluha-luha umano siya habang iwinawagayway ang flag na kanyang ginawa hanggang sa isinakay siya sa nasabing barko.
Agad siyang dinala sa isang ospital sa New Guinea upang suriin at nang makabawi ng sapat na lakas, nitong Marso 29 ay tuluyan na siyang nakauwi sa kanyang bayan sa General Santos City. (Ariel Fernandez)