NATUMBOK din ng Duterte administration ang matagal na nating ipinagdidiinan: Huwag bigyan ng isda ang taumbayan, turuan silang mangisda. Nangangahulugan na hindi dapat turuan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga maralita, na laging umasa sa mistulang limos o dole outs mula sa gobyerno; turuan natin silang maghanap ng ikabubuhay sa pamamagitan ng pag-agapay ng pamahalaan.
At ito nga ang sinimulang isulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaakibat ng paghikayat sa mga benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) na magtanim ng gulay at prutas sa kani-kanilang bakuran. Sa pamamagitan ng sistemang BIG (Bio-Intensive Gardening), naniniwala ako na ang mahihirap na pamilya ay makaaahon sa pagkagutom. Ang naturang sistema ay kinapapalooban ng paggamit ng seeds o binhi at organic fertilizer na dapat lamang ipagkaloob ng DSWD at ng iba pang ahensiyang pang-agrikultura; malaki rin ang maitutulong ng local government units (LGUs) sa pagbibigay ng makabuluhang mga impormasyon hinggil sa maunlad na pag-aalaga ng mga pananim.
Hindi ito ang unang pagkakataon na binigyang-diin ng pamahalaan ang kahalagahan ng paglulunsad ng paghahalaman o gardening; hindi na bago sa atin ang pagtatanim ng gulay hindi lamang sa mga likod-bahay kundi maging sa mga botelyang plastik at container, tulad ng ating nasasaksihan sa kalunsuran.
Ang Green Revolution program, halimbawa, na inilunsad ng nakaraang mga administrasyon ay isang patunay ng maunlad na paggugulayan. Halos lahat ng bakanteng lote ay tinaniman ng iba’t ibang uri ng gulay at prutas, dahilan upang tayo ay magkaroon ng sapat na vegetable supply. Hindi ko malilimutan na maging ang bakuran ng Malacañang Palace ay binungkal at tinaniman noon ng mga gulay na tulad ng talong, petsay, kamatis at iba pa. Naging show window ito ng maunlad na gulayan na pinamarisan sa iba’t ibang dako ng kapuluan.
Hindi marahil isang kalabisang... hikayatin ang mga local official na maglaan ng mga bakanteng bakuran na pag-aari ng gobyerno upang mapagtaniman ng gulay ng 4Ps beneficiaries. Sinimulan na ito sa ilang lalawigan sa Mindanao at Visayas na hindi malayong maging vegetable basket ng bansa.
Naniniwala ako na ang mga gobernador, kabilang na ang aming punong lalawigan na si Cherry Umali, ay maaaring maglaan ng sapat na lawak ng lupain upang mapagtamnan ng gulay at iba pang pananim. Marapat na ito ay isaalang-alang sapagkat ang ganitong proyekto ay tiyak na makatutulong sa ating mga kababayan upang sila ay makaahon sa karukhaan.
(Celo Lagmay)