MAGMULA nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ‘di na niya ipatutuloy ang barangay elections sa bansa at magtatalaga na lamang siya ng papalit sa mga kasalukuyang nakaupo, dahil sa hawak umano niyang impormasyon na halos 40 porsiyento ng mga nakaupong chairman ay protektor ng mga sindikato ng droga, ay naging kapansin-pansin ang pananahimik ng mga kasalukuyang opisyal – maliban sa isa na alam kong matagal nang tinik sa lalamunan ng mga adik at pusher sa Tundo, Maynila.

Galit ang “Kapitana” na ito – opo, babae siya, ang tanging barangay captain na may “bayag”— sa mga adik at pusher, ngunit ‘di na rin siya nakatiis na ‘wag kumibo para batikusin kung sino man daw ang may pakana ng panukalang ito kay PRRD na aniya ay magiging ‘di makatarungan para sa mga katulad niyang lantarang lumalaban sa mga sindikato ng droga sa kani-kanilang lugar.

Mahaba ang listahan ni Kapitana sa usaping adik at pusher na nasampahan niya ng kaso at naipakulong, mula sa pangunguna sa mga operasyon upang masakote ang mga ito, dahilan upang bansagan siyang Kapitana “Tiger Queen” sa kanyang nasasakupan.

Friend ko sa Facebook si Kapitana at nagulat ako nang mabasa ko sa aking newsfeed ang post niya na inaatake ang kontrobersiyal na mungkahing ito mula sa Palasyo, na buong tapang niyang inilarawan na “stupid and absurd” gaya na rin ng mga naging puna ng ilang kritiko ng kasalukuyang administrasyon. Alam kong hindi kritiko si Kapitana ng administrasyong ito, dangan lamang talagang “masakit daw sa bangs” ang ideyang ito ng ilang nakapaligid kay PRRD na gusto yatang pumapel at maghari-harian sa darating pang limang taon.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ayon pa kay Kapitana, kung totoong may listahan ang Palasyo ng mga protektor, pusher o adik na opisyal sa barangay, kasuhan agad ang mga ito, sibakin sa puwesto at ipakulong. Huwag na raw magpaliguy-ligoy pa ang Philippine National Police (PNP) sa pag-iimbestiga para naman ang mga nagpapakakuba sa pakikipaglaban sa bisyong ito, gaya niya, ay ‘di na madamay sa mga pinagdududahan ng mamamayan.

Kinumpirma naman ng PNP na may kopya na rin sila ng listahang ito na nauna nang napasakamay ni PRRD at inumpisahan na itong i-validate ng PNP-Directorate for Intelligence (DI) sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). At kapag ito’y nakumpirma na, magsasagawa umano ang PNP ng “case buildup” laban sa opisyal ng... barangay na mapatutunayang mga protektor ng droga.

Komento pa ng matapang na Kapitana, kapag ipinilit daw ng administrasyon ang planong ito na i-appoint na lang ang mga barangay chairman ay nasisiguro niyang magkakagulo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bago ko pala makalimutan, ang Kapitanang ito na mas may “bayag” pa kaysa ilang lalaking barangay chairman sa Maynila ay si Lourdes Salazar-Gutierrez ng Barangay 163, Zone14, certified na “Batang Tundo” na siyempre, kapareho ko.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)