Isang drug suspect na lulan sa motorsiklo ang ibinulagta ng mga pulis matapos umano niyang takasan ang checkpoint sa Deparo, Caloocan, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan Police chief Sr. Supt. Chito Bersaluna ang nasawing suspek na si Ernesto Madio, Jr. Habang tinutugis naman ang kanyang kasabwat.
Base sa imbestigasyon, binabaybay ni Madio at kanyang kasabwat ang kahabaan ng Villa Maria sa Barangay 168, Deparo, Caloocan, nang makita ang checkpoint ng pulisya, dakong 1:30 ng umaga. Ang nasabing checkpoint ay sa harap mismo ng La Consolacion College.
Iniwasan umano ng dalawang suspek ang checkpoint dahilan upang sila’y sundan ng mga pulis at sila’y pinahihinto.
Ngunit bumunot ng baril si Madio, nakaangkas sa kanyang kasabwat, at pinaputukan ang mga pulis ngunit hindi tamaan.
Ito ang dahilan, ayon sa mga saksi, kung bakit nagdesisyon ang awtoridad na gumanti ng putok na naging sanhi ng pagbulagta ni Madio.
Nakuha mula kay Madio ang isang caliber .22 revolver na kargado ng bala at dalawang pakete ng shabu. (Jel Santos)