Ikinasa na ang manhunt operation laban sa isang barangay tanod na bumaril sa mag-asawa na kanyang pinagbintangang pumatay sa dalawang lalaki at isang babae sa loob ng isang barung-barong na pinaniniwalaang pasugalan sa Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Kasalukuyang tinutugis si Armando Tahil, barangay tanod sa Barangay Old Balara, dahil sa pagbaril kay Louie Ernesto, 37, at kanyang misis na si Estrella, 36, dakong 6:45 ng umaga sa isang compound sa Laura Street.

Kasalukuyang nakaratay ang mag-asawa sa isang ospital.

Si Louie ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib habang sa ulo naman nadaplisan ang kanyang misis.

National

VP Sara, sa umano'y 'search warrant' sa kanilang mga tahanan: 'There will be planted evidence!'

Nangyari ang insidente mahigit isang oras matapos mapatay ang tatlong katao sa isang barung-barong malapit sa Laura St., sa Commonwealth Avenue.

Kinilala ang mga napatay na sina Robert Mago, 22; alyas “Roy,” tinatayang nasa edad 35-40; at isang “Anabel”, tinatayang nasa edad 30-35, pawang residente ng Laura St.

Sila ay natagpuang naliligo sa sariling dugo dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan sa isang barung-barong sa Tanduay Compound sa Commonwealth Avenue.

Bago madiskubre ang mga bangkay, isang residente ang nakapagsabi sa mga pulis na ilang putok ng baril ang narinig sa nasabing lugar, bandang 5:15 ng umaga.

Ayon sa awtoridad, aabot sa walong spent shell at walong bullet fragment ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang kanilang nakuha sa pinangyarihan.

Nakumpiska rin sa lugar ang isang “video karera” machine at isa pang fruit game machine. Ito ang dahilan kaya posibleng nagsisilbing pasugalan ang barung-barong.

Matapos ang insidente, dakong 6:45 ng umaga, naiulat na namataan si Tahil, lasing na lasing, sa bahay ni Ernesto at saka binaril sa dibdib ang huli.

Tinamaan din ng stary bullet si Estrella.

Matapos ang insidente, dali-daling tumakas si Tahil.

Ayon sa mga pulis, magpipinsan sina Tahil, Mago at Louie.

Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon